May hiyas pa sa liblib (114)

WALANG naging problema kay Mulong nang magpaalam si Fred at Ganda na magbaba­kas­yon sa Socorro.

“Mga isang linggo kami sa Socorro, Muls. Ikaw na muna ang bahala rito sa negosyo natin.”

“Walang problema, Kuya Fred. Kayang-kaya ko ito. Maski ang puto ni Ate Ganda kaya kong gawin.”

“Bilib na talaga ako sa’yo Mulong. Hayaan mo at pagbalik namin mula Socorro ay may pasalubong kami sa’yo.”

“Sige Kuya. Ingatan mo lang si Ate Ganda at baka pagpunta n’yo sa liblib ay ma­­gasgasan ang mga binti.”

“Sanay ako sa liblib, Mulong.”

“Bumalik ka rito Ate ha. Baka naman hayaan mong mag-isa si Kuya.”

“Oo naman. Magkasama kaming umalis, magkasama rin kaming babalik. Hindi ko kayo iiwan. Gusto ko lang makita ang dati naming tirahan dahil nasasabik ako.”

Madaling-araw ng Sabado ay umalis na sina Fred at Ganda. Kailangang maabot nila ang alas siyeteng biyahe ng barko sa Batangas patungong Calapan. Tig-isang bag ang dalawa. Damit para sa isang linggo.

Eksaktong paalis ang Supercat nang dumating sila. Mga isang oras ang biyahe patungong Calapan.

“Fred alam na ba ng pinsan mong si Raul na parating tayo?” tanong ni Ganda habang nakaupo sa Supercat.

“Oo. Tuwang-tuwa nga. Akala raw niya ay hindi ko na maaalalang umuwi sa Socorro. Marami na raw pag­babago sa Socorro.”

“E sa Luningning kaya?”

“Walang sinabi. Siguro ganun pa rin. Liblib pa rin.”

“Nasasabik na akong ma­kita ang lugar na nilakihan ko. Andun pa kaya yung kubo namin ni Lola Angela?”

“Wala na siguro yun, Ganda. Ilang malalakas na bagyo na rin ang dumaan sa lugar na iyon. Wasak na siguro yun.”

“Sabagay baka malungkot lang ako kapag nakita kong nakatindig pa ang kubo. Maaalala ko lang si Lola.”

“Oo nga.”

“Pero siguro ang sapa ay naroon pa ano?”

“Oo. Sigurado yun. Yung sapa ang gusto kong makita, Ganda.”

“Bakit ba aliw na aliw ka kapag yung sapa ang pinag-uusapan natin?”

“Kasi’y dun kita unang nakita. Hindi ko malilimutan ang paliligo mo sa sapa na hubu’t hubad…”

“Fred yang bunganga mo, baka may makarinig.”

Pero hindi napigil si Fred na magsalita. Ipagtatapat na ang ginawa niya noon kay Ganda.

(Itutuloy)

Show comments