May hiyas pa sa liblib (67)

MASAMA ang loob ni Fred kay Ganda. Habang nag­lalakad pauwi sa kanyang kubo ay nagsisisi kung bakit pa siya nasangkot sa maglola. Wala sana siyang pinuproblema ngayon at wala ring nararamdamang sakit ng kalooban. Siya na ang nagmagandang loob ay siya pa itong kinaiinisan. At ang sabi ni Ganda sa kanya kanina, hindi raw nito gusto ang ginagawa niya. Ang sakit! Sana ay pinabayaan na lang niyang lurayin ito ng dalawang lalaki. Sana ay hindi na lang siya nakialam.

Pagdating sa kubo, nakaramdam ng gutom si Fred. Nawala ang gutom niya kanina nang pagsabihan siya ni Ganda. Sabihin ba namang naaasar ito sa kanya. Ang akala niya, okey na sila ni Ganda dahil ngumiti na, iyon pala’y pakitang tao lang.

Nagsaing si Fred. Nagprito ng itlog ng itik. Sa pagkain na lang niya babawiin ang nadamang inis o galit kay Ganda. Wala man lang ipinakita na nagpapasalamat gayung kung hindi dahil sa kanya ay baka luray-luray na siya. Kung hindi dahil sa kanya ay baka kung ano na rin ang nangyari kay Lola Angela.

Pagkatapos kumain, ay natulog si Fred. Kagabi ay wala siyang tulog dahil sa pagbabantay sa dalawang “manyakis”.

Nang magising si Fred ay palubog na ang araw. Malamig na ang tama ng liwanag sa kanyang balat. Pasado alas-singko na. Ang haba ng tulog niya.

Naalala niya ang natirang alak na dala noon ni Raul. Kinuha at nagsalin sa baso. Gusto niyang malasing para malimutan ang mga sinabi ni Ganda kanina. Kapag nala-sing siya siguro ay hindi na maalala ang tila pagbalewala ni Ganda sa ginawa niyang pagmamalasakit sa dalaga.

Dalawang sunod na pagtungga ang ginawa niya. Maya-maya, naramdaman niyang tila umiikot ang paligid niya. Okey lang sa kanya. Naisip niya, sarap sana kung narito ang pinsan niyang si Raul para may kainuman siya. Mahirap tumungga ng nag-iisa.

Ilang shot pa at tala-gang pakiramdam ni Fred ay idinuduyan na siya. Ang sarap ng pakiramdam niya. Siguro kung ngayon niya makakaharap si Ganda at sasabihan siya nang masakit ay baka halikan niya sa labi at lamasin ang dibdib nito. Baka hindi siya makapagpigil sa babae at gawin na ang hindi nararapat. Noon pa siya atat kay Ganda — noong nakita niyang naliligo sa sapa. Kung siguro at ngayon niya makikita si Ganda na naliligo ay baka kung ano ang mangyari. Baka hindi na siya makatiis. Matagal na rin siyang “bakante”. Ni hindi pa siya nakakatikim mula nang pagtaksilan siya ng asawang si Precy habang nasa Saudi noon.

Tumungga pa si Fred. Masarap habang tumatagal ang alak na dala ni Raul.

Lasing na nga yata siya? Paano’y nakita niyang paparating si Ganda! Ano ba ito? Ha-ha-ha. Sinusuwerte nga yata siya. Nagkusa na si Ganda? (Itutuloy)

Show comments