May hiyas pa sa liblib(66)

GUMAGAPANG ang isang lalaki pero hirap na hirap. Akala yata ay maaalis niya ang tali sa paa at kamay. Umakyat ang dugo sa ulo ni Fred at hinila ang lalaki patungo sa may punong niyog at doon itinali ang dulo ng lubid.

“Huwag ka nang magtangkang tumakas at hindi mo magagawa!” sabing naiinis. Gusto niyang ibunton sa lalaki ang inis na nadama kay Ganda. Sa halip na matuwa sa kanya si Ganda dahil nahuli ang dalawang manyakis, inis pa sa kanya.

Naisip ni Fred, ano kaya at hindi na lang niya tinulungan ang maglola. Sana pinabayaan na lang niya. Ano bang pakialam niya sa mga ito?

Nasa ganoon siyang pag-iisip nang dumating sina Lola Angela kasama ang barangay kapitan at ang mga tanod. Hindi napigilan ni Lola ang pagmumura nang makita ang dalawang nakagapos na lalaki.

“Sila po Kapitan ang mga manyak na gustong lumapastangan sa apo ko!”

Nilapitan ng kapitan ang dalawa.

“Nakikilala ko ang dalawang ito. ’Di ba kayo rin yung nireklamo nung isang maybahay kamakailan lang. Gusto n’yong pagsamantalahan habang naliligo sa balon.”

“Ganyan din po sana ang gagawin nila sa aking apo, Kapitan. Ma­buti na lang at dumating si Fred.”

Tiningnan ng kapitan si Fred.

“Mabuti at nakaya mo ang mga hinayupak, Fred?”

“Lakasan lang ng loob Kapitan.”

“Tama ka, talagang dapat e lakas ng loob.”

Pagkuwa’y inatasan ang mga tanod na dalhin na ang dalawang lalaki.

“Kami na ang magbibigay sa pulisya sa da­lawang ito para makasuhan. May mga record na ang mga ito kaya baka magbabakasyon na ang mga ito sa kulungan. Ipatatawag na lang namin kayo pagdating ng mga pulis…”

“Sige po,” sagot ni Lola.

Umalis na sina Kapitan.

Hindi pa nakakalayo sina Kapitan ay si Fred naman ang nagpaalam kay Lola.

“Aalis na po ako Lola. Maraming salamat po sa lahat.”

“Teka, Fred. Ano bang nangyari at…?” takang-taka si Lola.

Pero umalis na si Fred. Hindi na lumingon sa matanda.

(Itutuloy)

Show comments