UNANG pagkakataon ni Fred na gumawa ng “bitag”. Nagsalin siya ng bigas sa isang sako. Ti nantiya na ang timbang ay mga limang kilo. Tinalian nang mahigpit ang sako. Inilagay sa itaas ng pintuan at tinalian nang bahagyang-bahagya at madaling mapatid. Ang karugtong na tali ng sako ay itinali naman niya sa gilid ng pintuan. Sunod niyang tinalian ang hawakan ng pintuan. Iniawang nang bahagya. Kapag hinila ang pintuan, tiyak na babagsak ang bigas dahil mapapatid ang marupok na tali.
Pagkaraan ay ini handa na ni Fred ang kamagong na pamalo at saka itak. Pumuwesto siya sa dakong kanan ng pinto. Hawak niya ang dulo ng lubid na nakatali sa pinto.
Nakiramdam si Fred. Tahimik na tahimik sa labas. Maaaring naghihintay ng pagkakataon ang dalawang manyakis. Hihintaying lumalim pa ang gabi. Walang kakilus-kilos si Fred habang nakatayo sa likod ng pinto. Nakahanda sa pagbatak ng pinto kapag papasok na ang dalawang lalaki. Hawak naman ng kaliwang kamay niya ang kamagong. Ngayon niya magagamit ang napag-aralang arnis sa Riyadh. Titiyakin niyang mapipilay ang dalawa at hindi makakatakas. Hindi niya papatayin ang dalawa. Tuturuan lang niya ng leksiyon ang mga ito.
Wala rin namang naririnig si Fred sa loob ng kubo kung saan naroon sina Lola Angela at Ganda. Siguro naman ay sinunod ang utos niya na latagan ng banig ang sahig para hindi sila masilip sa silong.
Ano naman kayang naiisip ni Ganda ngayong nagbabanta ang panganib. Ma tigas pa kaya ang loob ng supladang babae?
Kinagat ng lamok si Fred. Hindi niya matampal. Maririnig iyon. Tiniis niya ang pagtusok ng lamok sa kanyang braso. Sinubukan niyang itaboy sa pamamagitan ng paghihip. Naitaboy naman. Pero sa ibang bahagi naman kumagat. Mas matindi ang sakit ng kagat.
Wala pa ring naririnig na kaluskos o kaya’y natatapakang bagay sa labas. Hindi kaya nagbago ang plano ng dalawang manyakis? Naamoy kaya na mayroong lalaking kasama ang mag-lola?
Nakaramdam ng antok si Fred. Pero kailangang labanan niya ang antok at baka sumalakay ang dalawa. Mahirap nang malusutan at baka pati siya ay mapahamak. Tiyak na may mga dalang pangtaga at panaksak ang dalawa. Pinaghandaan ang gagawin kay Ganda.
Mayamaya pa, naramdaman ni Fred ang pag-uga ng kubo. Palatandaan na may umaakyat sa hagdan. Hanggang sa maramdaman niyang may unti-unting nagtutulak sa pintuang kawayan.
Sige pa! Tulak pa! Sige pa!
(Itutuloy)