TULUY-TULOY ang matandang babae sa kubo. Nakahinga naman si Fred sapagkat hindi siya nakita ng matanda.,
“Ganda! Ganda!” sigaw ng matandang babae.
Dumungaw sa bintana ang babaing sinusundan ni Fred. Ganda yata ang pangalan ng babae,
Mula sa kinaroroonan ni Fred ay dinig na dinig niya ang usapan.
“Ano po ‘yun Lola?”
“Nagsaing ka na ba? Gutom na gutom na ako.”
“Opo Lola. Inin na po ang kanin. Gulay na lang ang niluluto ko. Malapit na po ito dahil madali namang maluto ang sitaw.”
“Mabuti at may pagkain na. Talagang gutom na ako Ganda mabigat din kasi ang sunong kong bilao na maraming puto. Naubos ko ang tinitindang puto.”
Pumanhik na ang matanda at pumasok sa loob ng kubo. Hindi na narinig ni Fred ang pag-uusap ng dalawa.
Naghintay pa ng ilang minuto si Fred. Nang inaakala na hindi na lalabas ang babae ay saka lamang umalis. Baka kumakain na nang tanghalian ang maglola kaya hindi na lumabas.
Nagmamadali si Fred sa paglalakad. Nasisiyahan siya sa nangyari dahil nalaman niya ang pangalan ng babae. Ganda pala ang pangalan. Bagay dahil maganda ang babae.
Habang naglalakad ay nag-iisip si Fred kung bakit dalawa lang ang maglola sa kubo. Sila lang dalawa kaya ang namumuhay o meron pa silang ibang kasama sa kubo?
Kung anu-ano na agad ang naglaro sa isipan ni Fred. Ano kaya at magtungo muli siya sa kubo ni Ganda at makipagkilala. Pero baka naman hindi siya maging welcome sa maglola. Baka kung ano lang ang isipin sa pagkikilala nila. Liblib ang lugar at malayo ang kapitbahay. Baka lalo lamang masira ang plano niya.
Kinabukasan, matapos ang gawain sa bukid ay ipinasya muli ni Fred na magtungo sa sapa.. Baka matiyempuhan niya si Ganda.
Pero wala si Ganda sa sapa. Hindi yata naligo? O baka naman nakapaligo na? Hinayang na hinayang si Fred.
Hindi malaman ni Fred ang gagawin sa pagkakataong iyon. Gusto niya, makilala ang babae. Kahit na ano pa ang mangyari.
Nagpasya siyang magtungo sa kubo nina Ganda.
(Itutuloy