Ang kapitbahay kong si Jesusa (87)

HABANG patungo sa opisina, iniisip ko na ang mga sasabihin kay Mr. Diegs kapag pinilit uli niya ako sa balak na pagko­kober kay Jesusa. Mag­re-resign na ako. Bahala na kung ano ang re­aksiyon niya pero iyon ang pinal kong sasabihin. Wala na akong kuskos-balungos pa. Kahit na sumbatan pa niya ako sa mga binigay niya sa akin habang nagtatrabaho ako sa kompanya, hindi ko na papansinin. Sabihin na niya kung ano ang sasabihin.

Naninigarilyo si Frankie sa labas ng building nang dumating ako.

“O Per, akala ko hindi ka na sisilip dito.”

“Ba’t naman hindi ako sisilip?”

“E may iba ka nang sini­ silip e.”

Ngumiti lang ako.

“Si Bossing nandiyan?”

“May kausap.”

“Kanina pa?”

“Ngayun-ngayon lang.”

“Baka mag-resign na ako, Frankie.”

Hindi naituloy ni Frankie ang pagsusubo ng yosi nang marinig ang sinabi ko.

“Ba’t ka magre-resign?”

“Dahil sa hinihiling ni Bossing na maikober si esmi. Hindi ko talaga mapa­payagan.”

Nagtawa si Frankie. Itinuloy ang paghitit. Ibinuga ang usok. Nalanghap ko ang usok.

“Ba’t ka nagtawa?”

“E kasi’y hindi na inte­resado si Bossing sa esmi mo.”

Gulat ako sa narinig.

“Bakit Frankie?”

“Kahapon, nang mang­galing kami sa inyo e nagtuloy kami sa isang restaurant sa Circle. Me na­ispatan si Bossing na isang babaing kumakain sa restaurant at natipuhan niya. Alam mo naman ang tipo ni Bossing, yung medyo ma­rusing at kayumanggi. Nakipagkilala si Bossing sa babae at yun nagkasundo. Yung babae pala e may ambisyon din. Sabi nga, kahit kunan siya ng walang saplot OK lang.”

Nakahinga ako nang ma­luwag. Wala nang prob­lema.

“Yung babae e ka­usap ni Bossing ngayon at baka bukas na bukas din ay magkaroon ng pictorial. Mukhang atat na ang babae eh.”

“Ano sa palagay mo, iguguhit ko ang babae o isu-shoot mo?”

“Itanong na lang natin kay Bossing.”

“Mas maganda siguro, i-shoot mo na lang. Ayaw ko na yatang gumuhit.”

Maya-maya ipinata­wag na ako ni Mr. Diegs.

(Itutuloy)

Show comments