Ang kapitbahay kong si Jesusa (84)
PATI si Frankie ay kinumbinsi ako para maging cover girl sa MATIKAS si Jesusa.
“Pumayag ka na, Per. Sigurado ako, papatok kapag naikober si esmi mo.”
“Ayaw ko, Frankie.”
“Bakit naman?”
Hindi ko na sinagot. Basta ayaw ko.
Sinenyasan ni Mr. Diegs si Frankie na iwan kami. Tumayo si Frankie at lumabas. Nagtungo sa sasakyan.
“Ano Per, baka naman hiyain mo pa ako. Ngayon lang ako humiling sa’yo.”
“Pag-uusapan muna namin ni Misis, Bossing.”
“Wala namang malaswa sa pagkakaguhit mo.”
Sinabi ko na ang dahilan kung bakit ayaw ko.
“Bossing, gusto ko kasi ako lang ang makakakita ng katawan ng misis ko. Kahit illustration lang yan, ayaw kong makita ng iba.”
Napangiti si Mr. Diegs.
“E di sana, hindi mo na idinespley ang painting niya sa dingding.”
“Actually Sir, kareregalo ko lang sa kanya nyan. May story kasi behind ang painting na yan. At sa kuwarto talaga idedespley at hindi sa salas.”
“Me story behind, Per?”
“Oo Sir.”
“E di maganda nga kung ganoon. Kapag daw ang isang painting ay may istoryang nasa likod, talagang maganda. At nakikita ko nga, may kuwentong maganda sa painting…”
“Bossing kahit ano pang kumbinsi mo, sorry pero ayaw ko talaga.”
“Ikaw talaga Perfecto. Ngayon lang ako humiling e.”
“Sorry Bossing talagang hindi puwede.”
Napabuntunghininga si Mr. Diegs.
“Sige bukas magreport ka sa akin sa opis,” sabi at tumayo.
Tumango ako.
Umalis na si Mr. Diegs.
Nang makaalis ang sasakyan, saka lumabas ng kuwarto si Jesusa. Sinabi ko ang hiling ni Mr. Diegs na maging cover girl siya ng MATIKAS.
“Sana pumayag ka na lang, Per. Okey lang sa akin. Kaysa naman magalit sa’yo at mawalan ka ng trabaho.”
“Ayoko Jesusa. Kahit na mawalan ako ng trabaho. Gusto ko, ako lang ang makakita ng katawan mo…”
Nakatitig sa akin si Jesusa. Nahuhulaan ko ang mga titig niya. Nauunawaan niya ako kung bakit tutol ako na maging cover siya ng magazine.
“Ganyan kita kamahal Jesusa,” sabi ko. “Ayaw kong mabilad pa ang katawan mo sa maraming tao.” (Itutuloy)
- Latest
- Trending