Ang kapitbahay kong si Jesusa (83)

NAGTIMPLA ng kape si Jesusa habang nag-uusap kami sa salas nina Mr. Diegs at Frankie.

“Alam mo ba kung bakit kami napasugod dito Per?” tanong ni Frankie. Si Mr. Diegs naman ay nagmamasid lang sa paligid.

“Ano nga bang da­hilan, Frankie?” tanong ko.

“Pinahahanap ka ni Bossing ng bagong mo­del. Kailangang-kaila­ngan na. Kasi ima­-market­ na sa ibang bansa ang MATIKAS. Target e yung mga OFW sa Canada at Australia. Kailangan, ’yung model na papatok at hindi na photo ang ilalabas kundi mismong art mo, Per.”

“Art ko?”

“Oo. Patok yung mga painting mo na kober ng ating magazine. Yung mga photo ko, gagamitin na lang daw sa inside. Alam mo ’yung latest nating issue, sold out na naman dahil sa husay ng pagka­kagawa mo. Talagang walang makakapantay sa galing ng kamay mo.”

Pumalakpak ang mga taynga ko sa sinabi ni Franki. Ngayon lang ako pinuri ni Frank ng ganito. Si Mr. Diegs ay nakatingin lang sa amin. Nakangiti. Kutob ko mayroong naiisip si Mr. Diegs. Gumagana ang utak ng boss ko na may kaugnayan sa aming magazine. Tiyak ko, may­roon na siyang ideya. Ma­husay siyang magplano kapag ang ikokober sa MATIKAS ang pag-uusapan.

Napansin ko ang pag­lapit ni Jesusa. Dala nito ng tray ng tatlong tasa ng umuusok na kape.

“Magkape muna kayo. Pasensiya na at kape lang ang maisi-serve ko.”

“Okey lang, Misis, don’t worry,” sabi ni Mr. Diegs. “Kumain kami ni Frankie bago nagtungo rito.”

“Oo nga, Misis. Huwag ka nang mag-worry sa amin. Kape lang ay okey na.”

Humigop kami ng kape. Nagtungo na si Jesusa sa kitchen dala ang tray. Napansin ko na hinabol siya ng tingin ni Mr. Diegs. Pagkaraan ay ako ang hinarap. Seryoso na.

“Per, palagay ko may­roon na tayong magan­dang kober ng MATIKAS. At sa palagay ko rin, pa­patok muli. Magugustu­han ng OFW…”

“Siyanga Bossing?”

“Iyon naman ay kung papayag ka.”

“Ako? Bakit ako Sir?”

“Kasi misis mo ang magiging kober…”

“Si Jesusa?”

“Oo. Nakita ko kasi ‘yung painting mo. ‘Yung nakasabit sa dingding. Di ba si Misis mo ang naka-paint na iyon na naliligo? Ang ganda!”

“Oo Bossing, si Jesusa nga yun.”

“’Yan ang hinahanap kong painting para sa kober. ‘Yan ang gusto kong next cover natin. Payag ka ba?”

Bantulot ako.

“Teka muna, Bossing…”

“Kahit magkano ba­bayaran ko si Misis mo para lang malagay sa kober…”

(Itutuloy)

Show comments