“NATATAKOT ako na totohanin ni Doktor ang banta na papatayin ako kapag nagsumbong kay Mam. Magdamag kong inisip. Kinaumagahan, buo na ang pasya ko, patayin man ako ng hayop na doctor, wala na akong pakialam. Natikman na niya ako at sinalaula, ano pa ba ang ikatatakot ko.
“Habang naghahanda kami ni Mam ng almusal ay sinabi ko sa kanya ang mga nangyari. Sa pagitan ng pag-iyak ay dinetalye ko sa kanya ang isang linggong pambababoy sa akin ng asawa niya. Ipinakita ko pa ang mga kagat sa aking suso at hita. Kung maaari lang, pati ang sugat sa aking pagkababae ay ipakikita ko. Sinabi ko rin na pinagbantaan akong papatayin kapag nagsumbong.
“Walang kakurap-kurap si Mam sa pagkakatingin sa akin. Halatang nagimbal sa aking ipinagtapat. Hindi niya marahil akalain na ang kanyang asawang hindi makabasag ng pinggan ay isa palang manyakis. Alam ko, kumbinsido siyang nagsasabi ako ng totoo dahil ang mga ebidensiyang nasa katawan ko ay hindi maaaring itatwa. Sariwa pa ang mga kagat at matibay na katibayan na dumanas ako nang matinding hirap sa kanyang asawa.
“Nang magsalita si Mam ay nanginginig ang boses. Nagmamakaawa sa akin. Huwag ko na raw ipagmakaingay ang nangyari. Maawa na raw ako sa asawa niya. Masisira raw ang pangalan ng asawa niya kapag ipinagsigawan ko ang nangyari. Kilalang-kilala raw ang asawa niya na isang mabuting doctor… naaawa raw siya sa asawa niya.
“Sabi ko’y mas kawawa ako. Niluray niya ang katawan ko. Paano naman ako kung mananahimik? Kailangang panagutan ng asawa niya ang pagluray sa akin. Kailangang makulong ang asawa niya.
“Umiyak at lumuhod sa harap ko si Mam. Parang awa ko na raw. Masisira raw ang pangalan ng asawa niya. Tatakbo raw itong mayor sa election. Saka pagkasabi niyon ay nag-offer ng pera. Malaki. Sapat daw iyon para makatapos ako ng high school at college….
“Gulung-gulo ang isip ko. Pagkaawa sa sarili at galit ang nararamdaman ko. Binabayaran ang nasira kong puri. Pera lang ang katapat ng naluray kong puri…
“Idinuldol sa akin ni Mam ang pera. Tanggapin ko na raw iyon. Huwag na raw akong mag-isip pa…”
(Itutuloy)