Ako ay Makasalanan (105)

ALAM na ng magkapatid na Annie at Delia ang buhay ko. Ipinagtapat ko noong nakaratay ako sa ospital. Kaya siguro ga­noon na lamang ang pag­papaalala nila sa akin.

“Ayusin mo na sana ang buhay mo, Tess. Hindi pa naman huli. Sayang kung hindi mo pa sasa­mantalahin ang pagkaka­taon. Binigyan ka na ng Diyos ng isa pang pagka­kataon at sana hindi ka na maligaw…”

Sinabi iyon sa akin ni Aling Annie habang naka­akbay sa akin. Itinuturing na nila akong nakababa­tang kapatid.

‘‘Lahat naman ay nag­kakasala at siguro ay ma­papatawad ka sa kabila ng lahat. Kung sa kabila ng paghingi mo ng tawad ay hindi ka pa rin nila tangga­pin, bumalik ka rito at saka natin planuhin ang mga su­sunod na hakbang.’’

‘‘Salamat Aling Annie.’’

Ang kapatid na si Aling Delia ay may iniipit sa palad ko. Pera.

‘‘Pandagdag sa pama­sahe mo. Alam ko malayo ang sa inyo. Sasakay ka pa ng barko ano?”

Tumango ako.

“Mag-ingat ka Tess at huwag nang magtitiwala sa mga hindi kilala lalo sa lalaki…” pahabol ni Aling Delia.

Niyakap niya ako at hinalikan. Ganundin si Aling Annie.

“Sige po…maraming sa­lamat.”

Umalis na ako. Pero may nakalimutan pa palang ibigay si Aling Annie kaya nang nasa kalsada na ako ay bigla akong hinabol.

“Nakalimutan kong ibigay sa’yo, Tess!”

Iniabot sa akin ang nasa maliit na paper bag. Nang silipin ko kung ano ang laman — isang Bible.

Nagpatuloy na ako sa paglalakad patungo sa sakayan ng dyipni. Habang nakasakay sa dyipni ay binabalikan ko ang lahat. Nire-rewind ang mga nang­yari sa aking buhay. Nag-droga, nagloko sa pag-aaral, sumama sa kung sinu-sinong lalaki, nagpa-abort… Napakasama ko. Kaya si­guro pinarusahan ako. Di­nugo nang dinugo para ma­u­nawaan ang kasamaang ginagawa ko. Nangyari iyon dahil gusto pa akong pag-   si­sihin sa mga nagawang kasalanan. Hinayaan pa akong mabuhay. Sabi nga ni Aling Annie, himala ang pagkakabuhay ko sapagkat sobrang dami ng dugo ang nawala sa akin. Suspetsa ng doctor na gumamot sa akin, sa bahay pa lang kung saan ako nagpa-abort ay ma­rami nang dugo ang na­wala sa akin. Kaya pala ganoon na lamang ang panghihina ko. Para akong gulay na hindi ko mai­galaw ang aking mga paa at kamay. At sobrang hapdi ng “kaselanan” ko. Naisip ko ang matandang si Aling Pacing. Muntik na pala niya akong mapatay!

Nakarating ako sa bus station. Tamang-tama ang dating ko dahil makalipas lamang ang kinse minutos ay umalis na ito.

Dinukot ko sa paper bag ang Bible na bigay ni Aling Annie at pinasa­dahan iyon ng basa.

(Itutuloy)

Show comments