Ako ay Makasalanan (103)

NANG magising ako ay gabi na. Pasado alas-sais na ng gabi. Puwede na akong umuwi.

Bumangon ako. May sakit akong naramdaman sa kaselanan, pero kaya ko. At kailangang kayanin dahil kailangan ko nang umuwi.

Dinampot ko ang aking bag at kinuha ang perang pambayad kay Aling Pacing.

“Aling Pacing!” tawag ko. Walang kumikilos. Na­ saan kaya.

Naupo ako sa silyang plastic. Nahirapan akong umupo. Kailangan ay pata­gilid.

Hanggang sa may ma­ramdaman akong umaak-yat sa hagdan. Bumukas ang pinto. Si Aling Pacing.

‘‘O huwag ka munang umupo delikado.”

“Kaya ko na Aling Pa-cing. Eto ang bayad. Aalis na ako.”

“Sige kung kaya mo na. Ihahatid kita sa ibaba. Hanggang sa baba lang at baka me makakita sa akin. Alam mo na…”

Alam ko. Baka may nag­susuplong sa kanya bilang abortionist.

Masakit humakbang pa­baba ng hagdan pero pinilit ko. Nakaalalay ang matan­da. Nang nasa baba na kami ay nagmamadali ring umak­yat si Aling Pacing. Itinuro lang sa akin kung saang eskinita lalabas para ma­kakuha ng taksi.

Mahirap maglakad pa­tungo sa may hintayan ng sasakyan. Madilim ang nila­lakaran ko. Walang gaa­nong tao. Nang makarating ako sa may hintayan ng sasakyan, isang taksi ang nakita kong paparating. Ki­na­wayan ko. Lumapit. Hirap na hirap akong sumakay.

“Saan po tayo?” tanong ng driver.

“Sulucan.”

Mabilis na umarangka-da ang taxi.

Walang trapik kaya ma­dali akong nakarating sa Sulucan.

Nang gabing iyon, akala ko, mamamatay na ako. Nagising ako na maraming dugo sa higaan ko. Nadama ko ang init ng dugo. Ang ka­sunod ay hindi ko na alam sapagkat nawalan ako ng malay. Isinugod ako sa ospital ng mga kasamahan kong bed spacers sa ospital. Ang may-ari ng bahay at ang nakilala kong may-ari ng karinderya ang namula­tan kong nagbabantay sa akin. Sa pagkakatingin sa akin, tila ba nagtatanong sila. Siguro naipaliwanag na sa kanila ng doctor kung bakit ako dinugo.

“Muntik ka nang ma­ubusan ng dugo, Tess,” sabi ng may-ari ng karinderya   na si Aling Annie.

“Mabuti na lang at nai­ sugod ka rito kung hindi...”

Napaiyak ako. Kung hindi ako naisugod ay baka patay na ako. Totoo iyon sapagkat nang magising ako, parang nahihirapan na akong huminga. Nag-aa­gaw buhay na yata ako.

“Ikalawang buhay mo raw sabi pa ng doctor    dahil grabeng nawala sa iyong dugo...”

Lalo pa akong napai­yak. Ano ba itong naga-   wa ko sa buhay ko? Ano    ba itong kasalanang naga­wa ko?

(Itutuloy) 

Show comments