TAMA ang tip ni Mon. May dala ngang clutch bag si Mr. Dy kapag nagpupunta sa aking unit. Kaya hindi ko napapansin ay ipinapatong niya sa ibabaw ng meseta sa salas. Inabangan ko siya ng gabing iyon sa salas at tama nga. Brown na leather clutch bag ang dala niya. Halos namumutok sa laman. Pagkapasok ay inilagay niya iyon sa meseta. Hindi ko pinahalata na nakatutok doon ang atensiyon ko.
“Maaga ka yata ngayon,” sabi ko sabay yakap at halik sa bibig. Amoy alak ang Tsekwa. Laging ganon ang amoy niya. Naghalong alak at sigarilyo ang hininga. Noon ay pasado alas-diyes ng gabi. Karaniwang alas- dose ng hatinggabi o madaling-araw ang da-ting niya.
“Maagang natapos ang meeting namin. Ayaw mo ba maaga ako?”
“Gusto ko nga para marami tayong magawa,” sagot at binuntutan ng malanding tawa. Ibinuhos ko na ang acting para matuwa at dagdagan ang datung.
“Bagong paligo?”
“Siyempre naman. Kailan ka ba nagtungo rito na hindi ako bagong paligo?”
Hinalikan ako sa leeg. Sinisigurado kung bagong paligo nga. Napangiti pagkatapos.
Nang bumitaw ay nagpaalam na pupunta sa comfort room. Medyo masama raw ang tiyan. Inihatid ko hanggang sa may CR.
“Me sabon diyan at tissue,” sabi ko.
Isinara ang pinto.
Iyon ang hinihintay kong pagkakataon. Madali akong nagbalik sa salas at tinungo ang mesetang kinapapatungan ng clutch bag. Hindi na ako nagpaudlut-udlot pa. Binuksan ko iyon. Tama ang tip ni Mon. Maraming pera na naka- tali ng lastiko ang laman ng clutch bag! Kinuha ko ang isang bundle. Mabilis ko ring isinara ang clutch bag. Isinauli sa dating posisyon ang clutch bag at pagkatapos ay mabilis akong nagtungo sa kuwarto. Binuksan ang cabinet at isiniksik ko sa pagi-tan ng mga damit ang bundle ng pera. Isinara ang cabinet.
Eksaktong isinasara ko ang cabinet ay narinig ko ang pagbubukas ng pinto ng CR. Tapos na ang Tsekwa.
Lumabas ako. Naka-brief na lang si Mr. Dy. Siguro’y naisip na maghuhubad din lang naman e maghubad na.
“Ang tagal mo naman, kanina pa ako nasa kuwarto,” sabi kong may arte.
“Sumakit ang tiyan ko,” sabing nakasapo ang palad sa malaking tiyan. “Pakikuha mo nga ang pantalon ko at polo sa CR,” sabi at pumasok na sa kuwarto.
Kinuha ko ang pantalon na nakasabit. Kinapa ko ang pitaka sa bulsa. Matambok. Pero hindi ko pakikialaman dahil barya lang ang laman niyon kumpara sa nasa clutch bag na pawang nasa bundles.
Nakahiga na si Mr. Dy. Ako na ang gumawa ng hakbang para siya masiyahan. Dating gawi sa pagpapaligaya sa taong walang sawa sa “laman”. Titiisin ko dahil nakuha ko na ang bayad at sobra-sobra pa. One time lang at sisibatan ko na ang Tsekwang ito.
(Itutuloy)