Ako ay makasalanan (83)
BAHAGYANG bumabahaw na ang sugat at palatandaang mag-iiwan ng pangit na peklat sa kanang tagiliran.
“Sinipa ako ng isang bodyguard at pagbagsak ko tumama sa gutter na may nakausling bato. Akala ko nga patay na ako dahil pumulandit ang dugo. Akala nga siguro patay na ako kaya nagmamadaling umalis si Mr. Dy at mga kasama. Pero kung hindi ako nagpatay-patayan, siguro pinatuluyan ako ng hayop na Tsekwa…”
Ibinaba ni Mon ang poloshirt.
“Mabuti na lang at may mabait na pedicab driver at dinala ako sa malapit na clinic. Maraming nawalang dugo sa akin. Malapit lang dito ang pinangyarihan d’yan lang sa may Ongpin. Pero kung nauna akong dumating dito, hindi ka masasalaula ni Mr. Dy. Ang balak ko, alisin ka rito at doon tayo sa Marikina. Tapos, saka tayo uuwi sa Sablayan, marami akong pinsan doon. Hindi na tayo masusundan ng Tsekwa roon.”
Parang lumalambot na ang adobe kong puso.
“Pero natunugan na pala ng Tsekwang si Dy ang pagpunta ko rito kaya pinaabangan na ako sa mga alepores niya. Nang bumaba ako sa taxi, iyon na, ginulpi na ako… grabeng hirap ang dinanas ko. Balak kong gumanti makaraang gumaling ang sugat pero naisip ko, wala akong laban sa Tsekwa. Mayaman siya. Ipinagpa-sa-diyos ko na lang ang nangyari sa akin…”
Nakita kong medyo nangilid ang luha ni Mon. Hindi makatingin sa akin nang deretso.
“Bakit mo sinasabi sa akin ‘yan?” tanong ko.
“Para malaman mo ang katotohanan.”
Napabuntunghininga ako.
“Ngayong alam mo na, maaari na akong umalis. Basta iyon ang totoong nangyari. Hindi kita ipinagbili o ibinugaw o ano pa man…”
“Pinabayaan mo akong salaulain ng Tsekwang iyon.”
“Wala akong maga-wa. Masyado siyang makapangyarihan…”
Napaiyak na ako. Pero madali ko ring napigil ang bugso.
“Sige Maritess…”
Humakbang siya palabas.
Nang lalabas na sa pinto, tinawag ko. Bumalik.
“Naniniwala ka na?”
Tumango ako.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending