KUNG saan nadapa ay doon na ako babangon. Wala naman akong mapupuntahang iba pa. Ginusto ko rin naman na magkamal ng pera. At hindi lang basta-basta karangyaan ang maidudulot sa akin ni Mr. Dy. Marami palang negos- yo ang Tsekwang iyon kaya kung magbigay ng pera ay balewala lang. Maaari akong lumabas at bilhin ang anumang gusto ko. Pag-aaralin pa ako.
Masakit ang katawan ko. Masyadong mabigat ang Tsekwa. Iniunat ko ang aking mga paa. Kapag kumikilos ako ay masakit ang aking tagiliran. Pero nang tingnan ko ang perang nasa palad ko, nalimutan ko ang sakit. Mabilis palang makapagpalimot ng sakit ang pera.
Nasaan na kaya ang hayop na si Mon? Palagay ko, hindi na magpapakita ang hayop. Bistado ko na ang modus niya. Siguro marami na siyang kolehiyala na naibenta kay Mr. Dy. Si Mr. Dy na mismo ang nagsabi na kakaiba ako sa mga babaing dumaan sa kanyang kamay. Kakaiba raw ako sa mga babaing binigay ni Mon.
Dito na lang ako. Ano pa ba ang magagawa ko? Kaysa naman magalit ako dahil sa nangyari sa akin, tanggapin ko na lang ito. Hindi naman ako pababayaan ng Tsekwa.
Ang hinding-hindi ko gagawin ay ang umuwi sa probinsiya. Sa nangyari sa akin, hindi ko na hahangarin pang umuwi roon. Wala na akong ihaharap sa kanila. Ang katawan ko ay nasa kumunoy na kaya mananatili na lang ako rito. Bahala na ako sa sarili ko.
Naligo ako. Nag-ayos ng sarili. Nagbihis. Nagpabango. Nilibang ang sarili. Lumabas ako at nag-shopping. Kung anu-ano ang binili ko — damit, sapatos, relo at iba pa. Kumain ako sa restaurant. Nang magsawa ay umuwi sa aking “unit”.
Hinintay ko kung darating ang tsekwa. Wala. Kinabukasan ng hatinggabi, dumating. Lasing. Hayok na hayok sa akin.
Pinagsilbihan ko na. Tanggap ko na ang kapalaran sa kamay niya. Kung saan nadapa, doon ako babangon. Alam ko na kung paano makikipaglaro sa Tsekwang ito.
(Itutuloy)