PERO hindi pa rin ako mapakali hangga’t hindi nalalaman kung ano na ang nangyari kay Melissa at kay Fernando sa Pinamalayan. Siguro matatahimik lamang ako kung malalaman ang nangyari sa kanila. At kung totoo nga ang aking kutob na ang nakita ko sa isang mall ay si Melissa at may kasamang dalawang bata.
Hindi naman siguro masama kung mag-imbestiga ako. At least may alam na rin naman si Rina tungkol dito. Gusto ko lang malaman kung ano na ang nangyari makalipas ang mahigit isang taon buhat nang umalis ako sa Pinamalayan.
Madaling araw ay gumayak na ako. Nagbaon ako ng ilang pirasong damit. Itutuloy ko ang plano na pagpunta sa Pinamalayan. Magtatanung-tanong lang ako sa mga taga-roon. Kung makapagtatanong ako sa kapitbahay, gagawin ko. Basta magkaroon lang ako ng impormasyon kay Melissa at Fernando.
Bago pa sumisikat ang araw ay nasa Batangas Pier na ako. Tamang-tama na paalis na ang SuperCat. Ako na lang yata ang hinihintay. Pagkasakay ko, mga limang minuto lang yata ay umalis na. Nakasilip ako sa bintana ng SuperCat. Napakakalma ng dagat. Asul na asul. Ganito rin noong una akong makarating dito sa Mindoro. Masarap magbiyahe sa dagat kapag tahimik ang alon.
Wala pang isang oras ay natanaw ko na ang Calapan Pier. Parang nasisiyahan ako na kinakabahan habang papalapit sa Mindoro. Paano kung sa pag-iimbestiga ko roon ay aksidenteng makita ko si Melissa o Fernando? Paano kung may makapagsumbong na lihim akong nag-eespiya sa mag-asawa? Siyempre hindi ako taga-roon at baka mapansin ang kilos ko.
Pero, narito na ako kaya dapat ituloy na. Kapag nakakuha na ako ng inpormasyon kina Melissa at Fernando, sisibat na ako.
Mabilis ang L-300 van na sinakyan ko. Maganda na ang kalsada. Hindi katulad noon na baku-bako. Mabilis din ang pagkakasemento ng bundok.
Isang oras lang ay papasok na kami sa Pinamalayan. Mas maganda ang kalsada nang papasok na sa bayan. Talagang mahusay ang mayor ng Pinamalayan. Malinis na malinis.
Nakita ko ang parke sa may tapat ng munisipyo. Nasulyapan ko ang malaking BAHAGHARI o ang tinatawag nilang BALANGAW.
Pumara ako nang makalampas sa parke. Maglalakad na lamang ako. Maghahanap muna ako nang matutuluyan. Kahit sa maliit na kuwarto, puwede na ako.
(Itutuloy)