MANILA, Philippines - NAGDAAN ako sa isang sikat na restaurant sa SM Fairview at bumili ng pagkain. Ilang putahe na ang binili ko. Naisip ko, malapit na nga palang birthday ko kaya parang blowout ko na rin kay Rina. Isa pa paalis na rin siya patungong Riyadh. Mas mabuting marami kaming pagsasaluhan. Nakakawa rin naman si Rina. Siguro’y mula nang makasagutan ang biyenan kahapon e baka hindi pa nakakakain nang ma-ayos.
Dalawang bag ng pagkain at drinks ang dala ko. Tinandaan kong mabuti ang lugar nina Rina. Sa likod ako ng SM nagdaan. Tumawid ako sa isang kalsada sa dakong unahan ng bus terminal. Dere-deretso lang ako at natanaw ko ang guardhouse. Alam ko na. Mula sa guardhouse ay apat o limang bahay na nasa gawing kanan.
Hindi na pala ako kailangang maghanap sapag-kat inaabangan na pala ako ni Rina sa may gate ng bahay. Kinawayan ako. Binuksan nang marahan ang gate pumasok ako.
“Ang dami mong dala, Frankie. Birthday mo ba?”
“Oo sa makalawa.”
“Ay magkabirthday tayo.”
“Gaya-gaya ka naman, Rina.”
“Totoo nga, Mayo 12 ako.”
“E dapat pala mas marami pa ang binili ko.”
“Ay kakahiya naman. Magluluto na lang ako.”
Ibinaba ko ang mga dala. Pinagmasdan ko ang bahay ni Rina. Dalawang palapag ang bahay na nakatayo sa tantiya kong 100 squate meters na lote. Ber-de at dilaw ang pintura. Maraming halaman na namumulaklak. Malamig sa mata.
“Ang ganda ng bahay mo,” sabi ko.
“Pawis at dugo ang puhunan diyan Frankie.”
“Katas ng Saudi ba?”
“Sobra pang katas.”
Niyaya ako sa loob. Mas maganda sa loob. Malinis. Maraming kasangkapan.
“Upo ka, Frankie.”
“Saan ko ilalagay ‘tong pagkain?”
“Akina.”
Dinala ni Rina sa kusina.
Pinagmasdan ko naman ang mga nakadisplay na kuwadro sa dingding. Mga kuha ni Rina sa Saudi. May kuha sa isang disyerto na ang nasa background ay camel. May kuha sa Diriyah. Nakadisplay din ang kuha nang mag-graduate siya ng nursing. Pero bakit wala yatang retrato ang asawa niya.
Hanggang mapansin ko sa labas na may isang sasakyan na mabagal ang pagtakbo. Hindi kaya minamanmanan si Rina?
(Itutuloy)