“HAYAAN mo si Frank sa diskarte niya. Malay mo may iba pa palang balak ‘yan, di ba Frank?” tanong sa akin. Nakangiti.
Tumango lang ako. Noon lang tumingin sa akin si Melissa. Siguro ay para hind mahalata ni Fernando na mayroon nang nangyari sa amin. Magaling magtago si Melissa. Siguro, napag-aralan na niya ang mga susunod pa. Ako, hindi ko alam kung ano ang mga sasabihin at isasagot.
“Sige na ‘Ma ipagluto mo na kami ng inihaw na karneng baboy at saka sinigang na maya-maya. Kanina pa kami nauuhaw sa alak.”
“Sige sandali lang.”
“Tawagin mo kaya si Aling Luz at magpatulong ka sa paghahanda,” sabi ni Fernando.
“Huwag na! Yung matandang yun ay pagkatsis-mosa. Baka kung ano la mang ang itsismis sa akin.”
Napaismid si Fernando.
“Sabi ko nga sa’yo piliin mo ang mga kakausapin mo. Di ba sa palengke sabi ko sa’yo huwag kang basta-basta makikipag-usap sa mga tao roon.”
“Ganoon naman ang ginagawa ko ah.”
“Ayaw kong pagtsitsismisan ka, ‘Ma.”
Umalis na si Melissa para magluto.
“Kaya nga ayaw ko sanang palabasin ng bahay ‘yang si Melissa. Marami kasing mga makakati ang dila rito. Kahit na yung ina niya ang nangaliwa, ang tingin na rin sa kanya ay mangangaliwa.”
Napatangu-tango lang ako sa mga sinasabi ni Fernando. Hindi ko naman magawang makatingin nang deretso sa kanya.
“Akala siguro makati rin si Melissa. Ikaw ba Frank, anong tingin mo sa asawa ko?”
Mabilis agad akong sumagot.
“Sa tingin ko, mabuting babae si Melissa. Bihira ang katulad niya na napagsisilbihan ka. Sakripisyo ang ginagawa niya.”
“Tama ka, Frank. Malaki na ang sakripisyo niya sa akin. Kaya kahit na siguro ano ang gawin sa akin niyan, hindi ko magagawang magalit. Hindi ko kaya, Frank…”
Kahit na magtalik kami nang magtalik? Iyon ang lihim na itinanong ko sa sarili. (Itutuloy)