Black Pearl (2)
“SI Melissa, asawa ko. Di ba sabi ko sa’yo mag-aasawa ako?” sabi ni Fernando pag karaan na ako ay yakapin nang mahigpit.
Kinamayan ko si Melissa. Malambot ang palad. Tipid ang ngiti.
“Ano bang nangyari, Fer. Hindi mo nabanggit sa akin sa sulat. At saka ang tagal mong sumulat sa akin.”
“Hindi ko magawang sabihin sa’yo, Frank. Naawa ako sa sarili ko. Ang hirap palang tanggapin sa simula.”
“Stroke ba?”
“Oo. Patay ang kabiyak na katawan ko. Pero nagti-therapy ako.”
“Paano ba nangyari?”
“Doon na nga tayo sa loob magkuwentuhan.”
Itinulak ni Melissa ang wheelchair ni Fernando. Sementado ang pathway patungo sa main door ng bahay. Dalawang palapag ang bahay ni Fernando. Malawak ang bakuran. May mga tanim sa paligid. Siguro, ang nakuhang pera sa pagtatrabaho sa Saudi ang ibinili ng lupa at ipinagpagawa ng bahay.
Nakapasok kami sa loob. Maganda sa loob. Kumpleto sa kasangkapan.
“Maupo ka, Frank.”
“Hindi ka na ba nakakatayo, Frank?”
“Nakakatayo pa naman pero kailangang me alalay.”
“Puwede kang maupo dito sa sopa.”
“Oo. Teka at lilipat ako diyan.”
Inalalayan ko si Fernando para makatayo sa wheelchair. Si Melissa ang humawak sa baywang ng asawa. Umakbay sa akin si Frank. Nailipat naming sa sopa.
“Hindi ko pinangarap na maging ganito, Frank. Talagang hindi,” sabing naghihimutok.
“E sino bang tao ang may gusto ng ganyan. Tayong lahat, ayaw magkaganyan.”
“Tangna kasing bad cholesterol ko tapos ang blood pressure ang taas. Pinabayaan ko kasing katawan ko, Frank. Di katulad nung nasa Saudi tayo ano, nakakapag-jogging tayo. Ako mula nang umuwi galing Saudi at hinarap ang pagtatanim ng kape at kakaw, e nalimutan ko nang sarili.”
“Me taniman ka ng kape at kakaw, Fernando?”
“Oo. Ako ang may malaking taniman ng kape rito sa Pinamalayan. Kinukuha ng isang coffee company ang mga bunga. Yung mga kakaw ko, napakyaw na ng isang ice cream co.”
Mayaman na pala si Fernando. Asenso na pala.
“Teka nga pala, mabuti e dito na tayo kumain sa salas.”
“Dito ko na dalahin ang pagkain?”
“Oo. Para masarap din ang kuwentuhan.”
Umalis si Melissa. Nasundan ko ng tingin ang indayog ng katawan habang patungo sa kusina.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending