MARAMI pa akong nalaman kay Rita. Nakuha ko ang loob niya at walang atubiling sinabi ang mga nangyari kay Ate Michelle niya.
“Nang malaman ni Ate na nagtaksil ka Kuya, matagal niyang iniyakan iyon. Kasi kaya ko nalaman, kinukuwento naman sa akin ng bunsong kapatid ni Ate. Kapag tumatawag sa telepono ay nagkukuwento sa akin. Ako kasi Kuya ay parang malayong kamag-anak na nina Ate.”
Napatangu-tango naman ako.
“Kina Ate na ako tumira mula nang mag-Australia. Ako ang nag-aasikaso kay Uncle Nando na noon ay malubha na ang sakit sa puso. Lalo pa ngang nadagdagan ang sakit na nararamdaman ni Ate nang mamatay ang tatay niya. Ima-gine naman Kuya, nag-ipon nang malaking pera sa Australia, tapos ay namatay din si Uncle…”
“E Rita, tungkol doon sa sinasabi mong nanliligaw kay Ate Michelle mo na iniiwasan sa Australia?”
“Ah, Pinoy din daw ang lalaki. Doon na raw lumaki. Masyado raw ang pagkagusto sa kanya at nang hindi niya ito pinapansin ay nagbanta na babarilin si Ate at saka magpapakamatay…”
Shock ako. Meron talagang ganoon na kapag sobra na ang pagkagusto at saka binigo ay kung anu-ano ang sumisilid sa isip. Hindi ba’t sa Australia may nangyari na pinagpapatay ng anak na lalaki ang kanyang ama, ina at kapatid? Kakaiba ang takbo ng utak.
“Kaya nga hindi na raw nag-isip pa si Ate Michelle na umuwi. Kaysa naman daw mapatay siya roon ng sira-ulong lalaki. At isa pa nga raw nagsimula na siyang magkaroon ng hypertension.”
“Pero wala kaya siyang siyota, Trina?”
“Ay wala Kuya. Sigurado ako na wala dahil wala siyang ikinukuwento. Kilala ko na si Ate na masyadong open kapag tungkol sa minamahal ang pinag-uusapan. Wala siyang naging siyota. Ikaw yata ang una at huli, Kuya…”
Napangiti ako.
“Paano kaya ako magsisimulang lumigaw sa kan-ya, Rita?”
“E di magpadala ka nang magpadala ng roses. Sigurado na lalambot na ang puso niya, Kuya.”
“Kung umakyat na kaya ako ng ligaw?”
“Huwag muna Kuya.”
“Bakit?”
“Basta huwag muna. Kailangang makita muna niya ang pagtitiyaga at pagsisisi mo.”
Napabilib ako ni Rita.
(Itutuloy)