TINALIKURAN ako ni Michelle. Ang paghingi ko ng patawad sa mga nagawang kasalanan ay hindi niya tinatanggap.
“Michelle! Michelle!” sigaw ko. Kumapit na ako sa rehas ng gate.
Pero wala na siyang naririnig. Tuluy-tuloy siya sa pagpasok sa loob.
“Michelle! Patawarin mo na ako! Nagsisi na ako, Michelle!” sigaw ko pa. Mas malakas sa nauna kong pagsigaw. Hindi ko na napigil ang sarili sa pagkakataong iyon.
Ang babaing nakausap ko kanina ang nakiusap sa akin.
“Kuya, nakakahiya po sa kapitbahay, me mga nakasilip na po sa mga bintana at nakatingin dito.”
Natauhan ako. Napatingin ako sa bahay na nasa gawing kanan. May mga tao ngang nakasilip sa bintana. Nakita ko rin sa gawing kaliwa ang mga ulo ng taong nakasilip sa kani-kanilang bintana.
“Bigyan mo po ng kahihiyan si Ate Michelle. Pagod po siya dahil kararating lang mula sa biyahe.”
Napalunok ako. Marahan naman ang pagsasalita ng babae. Nakikiusap siya.
“Kung maaari po sana e umalis na kayo, Sir. Kasi po tila wala nang interes na makipag-usap si Ate…”
“Ako ang dati niyang boyfriend. Gusto ko lang namang humingi ng sorry sa kanya. Yun lang para matahimik na ako.”
“E Kuya, kung maaari po sa ibang araw na ikaw bumalik, kasi talagang naka-kahiya sa mga kapitbahay.”
“Pakisabi mo naman sa kanya na nagsisisi na ako. Sabihin mo, matagal ko nang pinagsisihan ang lahat.”
“Sige po Kuya sasabihin ko.”
“Salamat.”
Tatalikod na sana ako at aalis nang bigla kong maalalang itanong sa babae, “Alam mo ba kung kailan muli ang alis niya?”
“Matagal pa po siguro, Kuya.”
“Salamat. Ano nga ang pangalan mo?”
“Lea po.”
“Salamat, Lea. Pakisabi mo na lang sa kanya ang mga sinabi ko.”
“Opo Kuya.”
Humakbang na ako. Hindi ako nahihiya kahit alam kong may mga nakasilip sa kani-kanilang mga bintana. At least, naisigaw ko sa karamihan ng tao na nagsisisi na ako sa nagawa. Naibulalas ko ang matagal ko nang kinikimkim.
Pagdating sa bahay, ang una kong ginawa ay tinawagan ang kapatid kong si Abby para ipaalam ang balitang narito na sa Pilipinas si Michelle.
Hindi makapaniwala si Abby.
“Galing ako roon, Abby at nakaharap ko.”
“Anong sabi?”
“Hindi ako pinansin. Parang wala siyang nakita.”
“Baka naman bulag?”
“Huwag kang magbiro, Abby. Tulungan mo ako! Kailangang makausap ko nang masinsinan si Michelle.”
(Itutuloy)