“PAANO nakilala ni Luningning ang lalaki?” tanong ko.
“Ipinakilala raw ng isang kasamahan sa ospital. Hanggang sa nag-chat na sila.”
“Pinoy din?”
“Oo. Pero matagal na raw na nasa Brisbane.”
“Australia?”
“Oo.”
“E di maganda, kung magkakatuluyan sila, magiging Australian citizen siya.”
“Sana suwertehin na si Luningning.”
“Kukunin pa kaya niya si Joepe?” tanong ko.
Hindi nakasagot si Gina. Nahalata kong may lungkot na lumarawan sa mukha.
“Sana hindi na ano?” sabi ko.
“Sana. Baka mamatay ako kapag nawala sa atin si Joepe.”
“E di pakiusapan natin si Luningning.”
“Mahirap yata yun, Rico. Baka hindi siya pumayag.”
Gusto ko nang sabihin na anak ko si Joepe at may karapatan ako. Pero hindi ko ginawa. “Bahala na nga siya kung ano ang gagawin niya. Basta ang dasal ko, sana ay maging maganda ang buhay niya sakali man at magkatuluyan sila.”
“Kung magkakatuluyan sila, doon sila ikakasal ano?” tanong ko.
“Ewan ko. Hindi ko alam kung ano ang pasikut-sikot sa ganyang sitwasyon.”
“Kailan daw uli tatawag si Luningning?”
“Hindi sinabi. Teka, interesadong-interesado ka na sa nangyayari kay Luningning.”
Napangiti lang ako.
“Nakikitsismis lang, Gina.”
Lumipas ang isang linggo na walang tawag mula kay Luningning. Sabik akong makabalita ukol sa kanya.
“Siguro ay masyadong busy kaya hindi makatawag si Luningning.”
“Busy sa siyota niya siguro.”
Isang linggo pa ang lumipas bago tumawag si Luningning.
“O ba’t ngayon ka lang tumawag?” tanong ni Gina.
“Busy ako, Gina.”
“Busy sa boyfriend?”
Humagikgik.
“Anong balita Luningning?”
“Magandang balita.”
“Ano?”
“Nagkasundo na kami ni Francis.”
“Yung boyfriend mo sa Brisbane?”
“Oo.”
“Anong pinagkasunduan n’yo?”
“Pupunta ako ng Brisbane at doon kami pakakasal?”
“Bakit hindi dito sa Philippines.”
“Basta doon daw.”
“Paano si Joepe?”
Napabuntunghininga si Luningning.
(Itutuloy)