“KAPAG hindi pa ako umuwi sa Pinas, mahahalata na itong tiyan ko. Mas lalong problema, Rico. Baka makulong ako rito, kahiya-hiya.”
“Paano ang sasabihin mo kay Gina pag nalamang buntis ka?”
“Sasabihin ko, nabuntis ako ng boyfriend ko rito. Iniwan at hindi na nagpakita.”
“Maniwala kaya si Gina. Nagpakatandang dalaga ka tapos magpapabuntis lang?”
“Siguro mauunawan ako.”
“Ang inaalala ko baka mamatay si Gina kapag nalaman ang nagawa nating kasalanan.”
“Nangyari na ito kaya puwede ba, huwag na nating pag-usapan pa yun. Hindi na naman maibabalik ang nangyari na. Umuumbok na ito.”
“Gulung-gulo kasi ang isip ko.”
“Basta ganyan ang plano ko Rico. Uuwi ako para maipanganak itong nasa tiyan ko. Kapag puwede na akong mag-Saudi uli, balik ako rito.”
“Sinong mag-aalaga ng bata?”
“Madali na ‘yun. Basta ang mahalaga, hindi ako abutan dito sa Riyadh ng paglobo nito.”
“Ibig mong sabihin dito ka uli sa Riyadh mag-aaplay at magsa-sama uli tayo.”
“Kung may makikita ako sa ibang lugar, e di doon kung wala, dito uli.”
“E di tuloy din ang relasyon natin?”
“Bakit ba parang ako na lamang ang lumalabas na masama, Rico? Sa tono ng salita mo parang ako lamang ang may kasalanan.”
“Hindi sa ganoon. Kasi kung dito ka uli mag-aaplay siyempre, mag-aano uli tayo.”
“Kung ayaw mo e ’di hindi!”
Natuloy ang balak na pag-uwi sa Pinas ni Luningning. Dalawang buwan na ang nasa tiyan. Inihatid ko sa airport. Malamig ang paalaman namin.
Si Luningning ay aking hipag.
(Itutuloy)