SA lahat ng pag-uwi ko sa Pilipinas, iyon ang pinakamasaya. Maski sa NAIA ay pawang nakangiti ang mga nakikita kong mga tao. Parang nakikipagsaya sa akin dahil makakapiling ko na nang lubusan ang aking asawa at dalawang anak.
Naghihintay na pala sa akin sa labas ang aking mag-iina. Paglabas ko sa arrival area ay natanaw ko na agad si Delia at dalawa kong anak. Yes!
Habang nasa sasakyan pauwi, muli kong ikinuwento kay Delia ang mga nasabi ko na sa kanya sa phone.
“Parang kuwentong mahirap paniwalaan ano Delia, pero iyan ang totoo. Ang nawala sa akin ay muling bumalik. Siguro para bigyan ako ng aral ano?”
Tumango si Delia pero may napansin akong namumuong luha sa mga mata. Pero sa kabila niyon, isang magandang balita rin ang hatid.
“Umaayon ang panahon sa atin, Mon. Nakakuha ako ng puwesto sa may palengke. Magandang puwesto para sa negosyong karinderya. Puwede nating mapalaki at gawing isang maayos na kainan. Yun bang puwedeng pagdausan nang may birthday o kahit na business meeting. Napag-aralan ko na ang mga gagawin.”
“Aba okey ang naisip mo Delia. Puwedeng-puwede!”
Agad naming sinimulan ni Delia ang plano. Tagumpay ang plano. Parang bulaklak na sinalakay ng mga bubuyog ang Delia’s Kitchenette. Patok na patok. Umayon sa amin ang pagkakataon.
Noong una ay may tatlo kaming katulong na taga-silbi at tagahugas. Pero hindi namin mapigil ang pagdami ng kustomer kaya kinailangan naming kumuha pa ng mga tagasilbi at tagahugas.
Noon ko naalala si Carding. Siya ’yung nakilala kong cigarette vendor at barker na ang pamilya ay nakatira sa pampang ng Ilog Pasig sa may Escolta. Puwede ko silang kuning mag-asawa para makatulong ko sa Delia’s Kitchenette,
Malayo pa ako ay nakilala na agad ni Carding. Ano raw ang kailangan ko sa kanya. Sinabi kong kukunin ko silang mag-asawa na katulong sa kitchenette. Payag siya.
“Doon na kayo titira sa amin. Kawawa ang mga anak mo.”
Tuwang-tuwa si Carding. Ang kanyang asawa ay gustong umiyak.
Umunlad pa ang Delia’s Kitchenette. Suwerte yata ang pinuhunan namin dahil walang tigil sa paglago. Nagkaroon pa ng branch.
Nakapagpagawa ako ng bahay at nakabili ng sasakyan.
Sana ay makita ni Jigo ang nangyaring maganda sa aking buhay. Pero sabi nga niya, ayaw na niyang umuwi sa Pilipinas.
Sarado na ang libro ng kanyang buhay.
(ABANGAN BUKAS ANG BAGONG NOBELA. MULA PA RIN SA PANULAT NI RONNIE M. HALOS.)