Ninong (ika-94 labas)
WALA pang alas-otso ng umaga ay nasa amin na ako. Malayo pa, may natanaw na akong maliit na tindahan sa harap ng aming inuupahang bahay. Kanino kaya ang maliit na tindahang iyon? Binilisan ko ang paghakbang.
Nang malapit na ako sa tindahan nakita kong ang mga tinda pala ay lutong ulam na nakalagay sa mga kaserola. Alam kong ulam sapagkat transparent ang takip ng mga kaserola. Nakatalikod naman ang babaing nagtitinda at halatang nagkukuwenta. Hindi ako maaaring magkamali, si Delia ang nakatalikod.
“Del!” sabi ko.
Hindi agad lumingon si Delia na para bang binobosesan ang tumawag.
“Del, si Mon ito.”
Saka lamang lumingon si Delia. Nasa mukha ang pagkagulat. Hindi makapagsalita. Halatang hindi inaasahan ang pagsulpot ko. Hanggang sa ang ekpresyong pagkagulat ay nahalinhan ng galit. Ang mga mata ay tila maiiyak sa galit.
“Anong ginagawa mo rito? Bakit ka narito?”
“Del, patawad.”
“Napakawalang-hiya mo! Alam ko na ang ginawa mo! Napakasama mo!” sabi at umiyak na si Delia. Nakita ko ang pag-agos ng luha.
“Nagsisisi na ako. Patawarin mo na ako, Del, ” sabi ko.
“Hindi!”
“Pinagsisihan ko na ang lahat, Delia. Patawarin mo na ako.”
“Umalis ka na, Mon!”
Hanggang sa makita ko ang paglapit ng dalawa naming anak. Na-ka-uniporme. Papasok na sa school.
“Mga anak ko!”
Hindi makapaniwala ang dalawa kong anak. Pero nakita ko sa mga mukha nila ang pagkasabik. Walang nakatanim na galit.
“Papa!” sabi ng aking panganay at biglang yumakap sa akin. Sumunod naman ang bunso sa ginawa ng kuya niya. Umiyak na ako.
“Ma, narito na si Papa. Patawarin mo na siya. Para naman masaya na tayo,” sabi ng panganay.
“Oo nga Ma, mas maganda kung sama-sama na uli tayo.”
Tiningnan ko si Delia. Walang reaksiyon. Ayaw tuminag.
Nilapitan siya ng panganay ko at niyakap. Pinakiusapang mabuti. Desididong lusawin ang galit ng kanyang mama para ako tanggapin. Hanggang sa bumunghalit ng iyak si Delia. Alam ko, ang pag-iyak na iyon ay palatandaan na unti-unting nalulusaw ang matigas na loob. Nakaamba na ang patawad.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending