“WALA ka bang ipadadala, Ninong?” tanong ni Jigo na ikinagulat ko.
“Ha? A e wala! Wala!”
“Pera baka magpapadala ka ng pera kay Ninang. Para naman makapunta ako sa inyo at makita ko si Ninang.”
“Hindi na. Salamat na lang.”
Iyon lang at lumabas na si Jigo. Halata kong excited siyang makauwi. Iyon ang ikalawa niyang uwi. Ang una ay noong ikasal sila ni Diana. Ano kaya ang mangyayari kapag nalaman niyang hihiwalayan na siya ni Diana? Tiyak na pagdating niya sa bahay nila sa Miguelin ay wala na si Diana. Umalis na ito at hiwalay na sila.
Wala akong sinayang na pagkakataon, agad kong tinawagan si Diana at sinabi ang pag-uwi ni Jigo. Sosorpresahin daw siya.
“Umalis ka na sa bahay n’yo dahil pauwi na si Jigo…” sabi ko.
“Oo. Sige. Iniimpake ko ng mga damit ko.”
“Saan ka muna tutuloy?”
“Bahala na. Basta pagdating niya rito. Wala na ako.”
“Gamitin mo ang pinadadala kong dollars para sa paghanap ng mauupahan. Padadalhan agad kita pagsuweldo.”
“Oo. Dagdagan mo padala ha. Mahirap nang mabitin.”
“Oo. Sige.”
“Sigurado kang pauwi na si Jigo ha?”
“Oo. Galing siya rito kanina.”
“Sige Ninong. Kailan mo ba balak umuwi”
“Text ko sa’yo. Tayo na ang magsasama pagbalik ko diyan. Baka tapusin ko na ang kontrata.”
“E di malaki ang makukuha mo?”
“Oo naman.”
“Sige pangako ’yan ha?”
Natapos ang usapan namin.
Iyon nga ang balak ko. Tatapusin ko na ang kontrata ko para ganap kaming magkasama.
(Itutuloy)