IPINAKITA ni Mang Leon ang picture ng kanyang anak na lalaki na nagtatrabaho sa Sydney, Australia.
“Eto ang picture ni Van,” sabay abot kay Ate Flora ng dalawang pictures. Ako naman ay nakiagaw para makita ang picture ni Van.
“Ay ang guwapo pala ng anak mo, Mang Leon,” sabi ko.
“Siyempre, kanino ba naman magmamana e ’di sa ama,” sabi at nagtawa. Kami ni Ate Flora ay nakitawa rin kay Mang Leon. Patuloy pa naming pinagmasdan ang mga pictures ni Van na ayon kay Mang Leon ay matagal na ring nasa Sydney at nagtatrabaho sa isang advertising company doon bilang artist. Graduate daw ng Fine Arts si Van sa UST.
“Ang isa mo pa pong anak, Mang Leon?” tanong ni Ate.
“Nurse naman ang anak kong babae sa isang children’s hospital sa New Jersey. Sa UST din nagtapos ang anak kong babae na ang pangalan ay Jane.”
“Masuwerte ka po sa mga anak, Mang Leon,” sabi ko.
“Utang ko sa namayapa kong asawa ang pagkakaro-on ng mga mabubuting anak. Mahusay magpalaki ng anak ang asawa kong si Julia. Napakabuting ina niya. Kaya nga nang mamatay siya, para bang nabalian ako ng pakpak.”
Naalala ko si Mama na hindi naging mabuti sa amin ni Ate. At nang sulyapan ko si Ate ay maaaring ganundin ang iniisip niya ng mga sandaling iyon.
“Ano po ang kinamatay niya Mang Leon?” tanong ko pagkaraan.
“Stroke. Isang atake lang.”
“Mabuti po at hindi ka na nag-asawa pa,” sabi ko.
“Hindi ko na naisip ‘yon. Ang mga anak ko na lamang ang pinagtuunan ko ng pansin. At awa naman ng Diyos ay pawang nasa mabuti silang kalagayan ngayon.”
“Nakikita nga po namin na kuntentong-kuntento ka na.”
“Malungkot nga lang dahil wala sila. Sabi ni Van nang tumawag kahapon baka magbakasyon ako sa Sydney. Pero kung hindi ko raw ka-kayanin ang lamig doon, siya na lang ang uuwi rito.”
Nakita kong may kislap sa mga mata ni Ate Flora nang marinig ang sinabi ni Mang Leon na magbaba-kasyon si Van. Parang na-excite si Ate. (Itutuloy)