Anay (ika-83 na labas)
(Kasaysayan ni E.A.E.)
NANG mag-alas- nuwebe ng gabi ay wala pa rin si Gil. Sumapit ang alas-diyes ay wala rin. Nang mag-alas onse ay nagpasya na ako na puntahan si Gil sa kuwarto ni Matrona.
Pero bago ako nagtungo roon ay iniwan kong naka-on ang plantsa at idinikit ko sa may kurtina. Isinara ko ang pinto.
Bago ako tuluyang nagtungo sa kuwarto ni Matrona, dinala ko muna ang aking mga damit na pinalantsa sa aking kuwarto. Ipinatong ko iyon sa bag na may lamang damit na nasa likod ng pinto.
Mabilis akong nagtungo sa kuwarto ni Matrona. Nakaawang na naman ang pinto. Hindi talaga sila nagsasara ng pinto. Binibigyan nila ako ng pagkakataon.
Dahan-dahan akong pumasok sa kuwarto. Mula sa may pinto ay narinig ko ang ungol ni Matrona. Nagtatalik na naman sila. Walang kasawa-sawa ang dalawa. Nagpapakalunod na naman. Kahit yata lumikha ako ng ingay sa pagkakataong iyon ay hindi nila papansinin dahil sobrang abala sila sa pagtatalik.
Tama na ang narinig kong iyon. Ipinasya ko nang lumabas. Paglabas, napansin ko ang nakakalat na tali sa sahig na may isang metro ang haba. Pinulot ko iyon. Kinabig ko nang todo ang pinto at saka tinalian ng napulot kong tali. Mahigpit ang aking pagkakatali. Hindi basta-basta mabubuksan ng nasa loob ang pinto.
Mabilis akong umalis at nagtungo sa aking kuwarto. Dinampot ko ang aking bag. Nang lumabas ako sa kuwarto, naamoy ko na ang nasusunog na kurtina. Kasunod ay ang paglabas ng usok sa kuwarto ni Gil.
Nakababa ako na walang nakapansin.
Isang taxi ang dumaan at pinara ko. Bahala na kung saan makarating. (Itutuloy)
- Latest
- Trending