^

True Confessions

Ellang (ika-142 na labas)

- Ronnie M. Halos -

(Kasaysayan ni M.R.A. ng Riyadh, KSA)

SINUNOD ko ang payo ni Sister Cynth na huwag ko nang asahan si Dolfo. Naisip ko tama si Sister Cynth sapagkat ako rin ang masasaktan. Huwag ko nang asahan na may darating pa. Ma­hirap umasa sa wala.

Maski si Nanay Encar ay halos ganoon din ang ipinayo sa akin. Huwag nang umasa sa lalaking hindi naman gumagawa ng paraan para mag­ka­roon ng komuni­kasyon.

“Malay mo baka may nakita nang ibang babae iyon. Kasi kung mahal ka niya e ’di sana gu­mawa na siya ng paraan noon pa. E sabi mo, wala.”

“Nanay Encar, sa palagay ko nagkabali­kan na si Dolfo at ang asawa niya.”

“Kung ganoon ang nang­­yari e ’di sana ay ma­ging maligaya sila. Mabuti at buo na ang pamilya.”

Sabi naman ni Inay, baka may malaking prob­lema na nangyari.

“Basta ang payo ko sa iyo, Ellang, huwag mo nang pakaasahan ang lalaking iyon. Umpisahan mo na ngayon.”

“Opo Nanay Encar.”

Mula nga noon ay kina­limutan ko nang may Ro­dolfo akong nakilala sa Riyadh, Saudi Arabia. Inalis ko na sa isipan ko ang ma­ga­gandang alaala ng aming pag-iibigan. Wala na siya. Wala na!

Mabilis na lumipas ang mga buwan. Halatang-ha­lata na ang tiyan ko. Re­gular ang aking check-up sa OB-Gyne sa bayan. Si Nanay Encar pa ang nag­pa­paalala sa akin ng araw ng check-up. Pinaa­alala­hanan akong kumain ng ma­su­sustansiya.

“Excited na ako diyan sa ilalabas mong baby. Sana ay babae at sigurado akong maganda ’yan paglaki. Baka kahawig ni Yasmien Kurdi…”

Napahagikgik ako. Si­guro’y nasabi ni Nanay Encar iyon dahil may lahing Arab ang artistang na­banggit niya,

“Puwedeng maging artista o kaya ay isali sa beauty contest, ano? Pa­sen­siya ka na Ellang at ako ay sabik laang sa batang babae. Siguro sasaya ang bahay na ito kapag may­roon tayong baby dito.”

“Siguro nga po Nanay Encar.”

“Kaya nga lagi mong ingatan ang iyong pinag­bubuntis. Alagaan mong mabuti. Huwag kang mag-alala at ako ang sasagot sa panganganak mo…”

Napaiyak na naman ako. Iyak iyon ng kali­ga­yahan. Hindi nga kami nag­kamali sa pagpili ng taong pupuntahan. Nag-iisa ma­rahil si Nanay Encar sa mundong ito. Hindi ko rin naman nalilimutan si Sister Cynth na laging naka­subay­bay sa akin at han­dang tumulong.

Kabuwanan ko na noon. Nahihirapan na akong ku­milos. Laging naka­antabay ang Revo ni Nanay Encar. Baka raw biglang humilab ang tiyan ko kaya mabuti nang naka­handa ang sasakyan. Ang pamang­kin niyang drayber ay nakaalerto rin.

Isang tanghali na ka­ta­tapos naming kumain at inaayos ko sa kabinet ang mga inihandang baru-baruan ng sanggol kong isisilang ay biglang may dumating.

“Nanay Encar may taong naghahanap sa inyo,” tawag ng pamang­king drayber.

“Sino baga yaan?” tanong ni Nanay Encar na noon ay nanonood ng Eat Bulaga sa salas.

“Hindi ko po kilala ay. Papapasukin ko po?”

“Teka at lalabas ako.”

(Itutuloy)

CITY

ENCAR

NANAY ENCAR

SHY

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with