(Kasaysayan ni M.R.A. ng Riyadh, KSA)
MATAPOS kumain ay ipinagpatuloy namin ang kuwentuhan sa salas. Ikinuwento ni Nanay Encar kung paano sila nagkakilala ng namayapang asawa na si Nando. Nakilala raw niya ito habang nag-aaral ng high school sa Pinamalayan. Mula noon ay hindi na siya nilubayan. Hanggang sa maging magkasintahan sila. Nagtapos sila ng high school. Hindi na raw nakapagpatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo si Nanay Encar dahil kapos sa pera. Sa halip ay nag-aral na lamang ng pananahi sa Pinamalayan Vocational School. Si Nando naman daw ay nag-aral ng marine engineering sa Feati sa Maynila. Nang makatapos ay agad nag-aplay ng trabaho sa isang shipping company at natanggap. Nagpalipat-lipat sa iba pang magandang kompanya hanggang sa matagpuan ang pinakamaganda at may malaking suweldo.
“Pero doon pala siya mamamatay. Ang sakit ng nangyari sa amin bayan. Iyak ako nang iyak. Mabuti na lamang at tapos na ang aming mga anak kung hindi ay anong hirap siguro.”
“Talagang maganda ang pagsasama ninyong mag-asawa ano, Encar,” tanong ni Inay.
“Ay mandin.”
“Napakabait kasi ni Nando, Maring. Ni minsan ay hindi kami nag-away. Pasensiyoso yun.”
“Masuwerte ka sa asawa, Encar.”
Napansin ni Nanay Encar na humihikab ako.
“Ay inaantok na si buntis. Teka at ihahanda ko ang inyong magiging kuwar-tong mag-ina. Sandali lamang at aayusin ko.”
Pumanhik sa second floor si Nanay Encar.
“Napakabait pala talaga niya Inay. Hindi nga tayo nagkamali na dito pumunta. Parang kapatid ang turing sa iyo ni Nanay Encar.”
“Sabi ko nga sa’yo, mabait ‘yan.”
Ilang sandali pa at bumaba na si Nanay Encar.
“Halika na Ellang at matulog ka. Alam kong pagod na pagod kayo sa biyahe. Ikaw Maring, matutulog ka na rin ba?”
“Hindi. Magkuwentuhan pa tayo Encar.”
“Sige. Ihahatid ko lang sa kuwarto niya si Ellang.”
Malaki ang kuwarto at may malaki at malambot na kama. May sariling TV. Pagsayad ng aking likod sa kama ay agad akong nakatulog.
Nang magising ako ay dakong alas sais na. Iyon ang isa sa pinakamasarap kong pagtulog. Napakasarap ng amoy ng hangin na naglalagos sa bintana ng kuwarto — amoy pinipig. Hindi na kailangan ang electric fan sa kuwarto.
Nang bumaba ako sa salas ay naroon pa sina Inay at Nanay Encar na nagkukuwentuhan. Nagtatawanan pa kung minsan.
Lumabas ako ng bahay at nagtungo sa malawak na bakuran. Nakita ko ang mga namumulaklak na halaman. May pula, dilaw, puti ang bulaklak. Napakasarap pagmasdan ng mga halamang namumulaklak. Fresh na fresh.
Pumasok pagkaraan ng kalahating oras at wala na sa salas ang dalawang magkaibigan. Nagtungo ako sa kusina. Naroon ang dalawa at naghahanda ng kakainin sa hapunan. May isang babae, mga 40 years old na tumutulong sa paggayat ng mga isasahog sa niluluto.
“Ay gising na pala si buntis,” sabi sa akin ni Nanay Encar. “Anong ulam baga ang gusto mo, Ellang?”
“Kahit na po ano.”
“Ginataang manok, pritong tanigue, manggang hilaw na me bagoong alamang, puwede na?”
“Opo. Masarap po ‘yon.”
Isang masararap na hapunan ang aming pinagsaluhan. Pakiramdam ko, puputok ang suot kong shorts.
Kinabukasan ng umaga ay maaga akong nagising at tinulungan ko si Nanay Encar sa pagdidi-lig ng kanyang mga halaman sa bakuran.
“Mamayang alas nuwebe ay pumunta tayo sa bayan ng Pinamalayan at magpa-check-up ka. May magaling na Ob-Gyne sa bayan. Para masiguro na maayos ang bata sa tiyan mo. Kilala ko ang Ob- Gyne kaya sigurong matututukan ang baby mo…”
Napakabait talaga ni Nanay Encar.
“Pagkatapos nating magpa-check-up ay ipapasyal ko kayo sa bayan para makita mo nang husto.”
Eksaktong alas nuwebe ay umalis na kami. Sakay kami ng isang Toyota Revo na ang nagda-drive ay pamangkin ni Aling Encar. Bago ang Revo. Binili raw ng kanyang anak na sa Sydney para magamit ni Nanay Encar sa pagbibiyahe sa bayan at kapag luluwas din sa Maynila.
(Itutuloy)