(Kasaysayan ni M.R.A. ng Riyadh, KSA)
MINSAN isang gabi ay napasukan ako ni Inay sa kuwarto na umiiyak. Naalala ko na naman kasi ang mga nangyari sa akin sa Riyadh. Isa pa, naalala ko rin si Dolfo na ewan ko kung may balak pa akong hanapin. Imposible kasing hindi niya malaman ang kinaroroonan ko. Ayaw kong isipin pero palagay ko nga ay wala na siyang balak na ako’y puntahan dahil sa nangyari sa akin. Ayaw na niya sa isang tira-tirahan ng Arabo.
“Umiiyak ka na naman, Ellang…” sabi ni Inay. Ikalawang beses kasi iyon na nakita niyang umiiyak ako.
“Naalala ko lang kasi Inay si Dolfo.”
“Sabi ko naman sa’yo, bihira na sa mga lalaki ngayon ang nagtototoo.”
Napabuntung-hininga ako. Pinahid ko ang luha sa pisngi.
“Natutuwa na sana ako dahil sabi mo noon, may nakilala kang lalaki na matino…iyon pala ay katulad din ng iba…”
“Iniisip ko naman Inay na baka may nangyari sa kanya. Baka namatay ang nanay niya. Sabi kasi niya, malubha na raw.”
“Sana tumawag man lang siya kina Sister Cynth…”
Napabuntung-hininga muli ako. Hindi na nga kaya ako pupuntahan ni Dolfo? Hindi na kaya niya ako balak pakisamahan?
“Huwag mo na siyang isipin pa Ellang. Tama na ang pag-iisip sa kanya!”
Lumipas ang tatlong buwan. Napansin kong hindi pa ako nireregla. Nabahala na ako. Malamang buntis ako. Agad kong sinabi iyon sa aking ina.
“Punta tayo sa doctor, Ellang para makasiguro…”
Magulung-magulo ang isipan ko. Kung buntis ako, ano ang mangyayari sa buhay ko?
(Itutuloy)