(Kasaysayan ni M.R.A. ng Riyadh, KSA)
BAHAGYANG madilim sa loob kaya hindi ko agad makita kung ano ang kumakaluskos doon. Hindi agad maka-adjust ang aking mata sa dilim kaya hindi ko makita kung ano ang pinagmumulan ng ingay sa loob.
Ibinukas ko pa nang bahagya ang pintuan para may pumasok na liwanag. Sa pagbukas ko, bigla ay may nakita akong anino na nawala rin agad. Para bang yumuko o umupo kaya natakpan ng mga gamit na nakatambak doon. Siguro ay nakita ang pagbubukas ko ng pinto at nagulat. Si Sir kaya iyon? Sino naman ang magtatangka pang pumasok sa bodega kundi siya lamang. Wala namang makapapasok na iba para makapagnakaw. Pinanindigan ako ng balahibo. Baka may multo!
Mabilis kong isinara ang pinto at nagmamadaling nagtungo sa likod ng bahay para kunin ang aking mga sinampay. Malakas ang kaba ng dibdib ko. Sigurado ako, tao ang nasa bodega at may ginagawang “kababalaghan”.
Pagbalik ko sa loob ng bahay, dala ang mga tuyong damit mula sa sampayan, ay nakita ko si Sir na nakaupo sa sopa at nagbabasa. Si Sir kaya ang nakita ko sa bodega?
“Elllang fi tsay!” tawag sa akin ni Sir.
Mabilis kong binitiwan ang mga damit at agad naghanda ng mainit na tsay. Dinala ko agad iyon kay Sir.
“Kef halek, Ellang?”
“Ana be sehah jaiyeadh, shokran.”
Ibinaba ko ang tsay sa mesita na nasa harapan ni Sir. Bahagya kong kinipit ang aking damit at baka pagtungo ko ay makita ni Sir ang dibdib ko. Kahit may bra ako, halatang-halata ang mga iyon.
Kinindatan ako ni Sir. Ngumiti lamang ako. Mahilig talagang kumindat ang amo ko na para bang may ibig sabihin. Hindi ko na inintindi at pumihit na ako at humakbang pabalik sa kusina.
“Ellang taal hena!”
Dumukot ng pera sa kanyang wallet. Hindi ko alam kung magkano at tumingin muna sa paligid bago inabot sa akin.
Hindi ko malaman ang gagawin kung aabutin ang pera o hindi. Sabagay dati na niya akong binibigyan ng pera at baka kung hindi ko tanggapin ay kung ano ang isipin.
Tinanggap ko ang iniaabot. Hindi ko alam kung magkano.
“Shokran, moder.”
“Mafi muskila,” sabi at kinindatan muli ako.
Nagtatalo ang aking loob kung si Sir nga ba ang nakita ko sa bodega kanina na tila may kababalaghang ginagawa. Hindi kaya suhol ang perang binigay sa akin?
Kinabukasan, sinubukan kong pumasok sa bodega. Kunwari ay may ilalagay akong gamit. Nagtaka ako nang hindi na makita ang mga panty sa kinapapatungan.
(Itutuloy)