(Kasaysayan ni M.R.A. ng Riyadh, KSA)
SUBALIT hindi ko na nakita si Nizza. Ang hula ko, buntis siya at nalaman na ng amo niya ang nangyari sa kanya. Maaaring pinauwi o kaya ay inireport sa motawa ang nangyari at saka ikinulong. Kawawa naman kung ganoon ang nangyari. Ang sabi naman ni Nizza noon ay handa niyang harapin ang kasasapitan kung sakali.
Kung nagkausap kami ni Nizza at mala mang narito pa si Pol sa Riyadh ay ano kaya ang magiging reaksiyon niya. Siguro ay katulad ko rin siyang galit na galit. Baka kung ano ang magawa niya kay Pol lalo pa nga at kung totoong siya ay nabuntis ng walanghiya.
Pero naisip ko rin naman, hindi kaya sinabi lamang sa akin ni Nizza na nasa Pinas na si Pol para matahimik na ako. Hindi kaya may relasyon pa ang dalawa at nagkutsabahan lamang? Hindi kaya wala na si Nizza sa kabilang bahay ay dahil sila na ang nagsasama?
Lalo akong nakadama ng galit kay Pol. Nagbalik sa akin ang malaki-laki na ring pera na nahuthot niya sa akin.
Pero ako na rin ang kumontra sa mga naisip kong iyon. Hindi magagawa ni Nizza ang ganoon. Wala naman sa itsura ni Nizza na magsisinungaling o kaya’y gagawa ng masama. Siguro nga’y kaya wala na siya sa kabilang bahay ay dahil nakauwi na o baka nakakulong na.
Mula nang makita ko sa Batha si Pol ay hindi na ako natahimik. Alam kong babalik uli siya sa Batha. Palalamigin lamang ang lahat at doon uli siya tatambay o kung anuman ang aktibidad niya.
Naisip kong bumalik muli sa Batha pagkalipas ng dalawang linggo. Magbabakasakali ako na matiyempuhan siya. At kung matitiyempuhan ko siya alam ko na ang gagawin ko, magki-create ako ng ingay at bahala na kung ano ang mangyari. Tutal naman at para na rin niyang sinira ang buhay ko e di magkasira-sira na. Basta hindi ako titigil hangga’t hindi nakagaganti sa kanya. Kung nagawa niya akong sirain, makakaya ko rin.
Nagpaalam ako kay Sir na pupunta sa Batha. Mafi muskila raw. Huwag lang akong magtatagal dahil marami nang gustong ipagawa si Madam. Malaki na kasi ang tiyan ni Madam at ilang buwan pa ay baka manganak na. Sabi ko’y mohem lang (important) ang sasadyain ko sa Batha. Kinindatan ako ni Sir. May pagkapilyo na ang ngiti ng amo ko. Sabagay ganoon na siya noon pa sa akin. Mabiro siya. At iyon ay hindi ko binibigyang pansin. Edukadong tao si Sir kaya wala akong kaba na ang pagkindat niya ay may ibig sabihin. Ngiti lang ang sagot ko sa kanya.
Sa dating lugar na pinagkakitaan ko kay Pol ako tumambay. Bakasakali lang. Kung makikita ko siya, magkakaroon ng panibagong pangyayari sa buhay ko. Kung hindi ko siya makita, ewan ko kung ano ang mga gagawin ko sa buhay. Bahala na! (Itutuloy)