Warat na sapatos ni Cinderella (2)

(Kasaysayan ni Cindy ng Pasay City)

"KAILAN daw darating?" tanong ng asawa kong si Jomar na ang mga mata ay nagpapahiwatig ng takot na malaman ang pagdating ng Amerikanong si Melvin.

"Baka sa December daw," sagot ko. Noon ay October. "Inaayos na lamang ang visa niya."

Napabuntunghininga si Jomar. Saka tumingin sa akin.

"Bakit bumubuntunghininga ka?" tanong ko.

"Parang hindi ko matatanggap, Cindy."

"Nandiyan ka na naman. Ang tagal na nating pinag-usapan ito. Nagkasundo tayo tapos ay ganito na naman ang mangyayari."

Umupo si Jomar sa silya. Lumangitngit dahil umuuga na at maluwag ang mga pako. Napabuntunghininga uli si Jomar.

"Ano Jomar? Puro ka buntunghininga."

Hindi sumagot si Jomar.

"Dapat ay ayusin na natin ito. Dito lamang tayo giginhawa. Kapag nakarating ako sa State hindi lamang ako ang giginhawa kundi pati ikaw at ang anak nating si Cholo."

Lumangitngit muli ang silya dahil iginalaw ni Jomar ang mga hita. Tense na siya.

Nagkasundo na kami ni Jomar tungkol kay Melvin Underwood ang ka-penpal kong Amerikano. At okey naman sa kanya na magpakasal ako sa 60-anyos na retired computer analyst. Tanggap na niya na wala siyang kakayahan na bigyan ako ng magandang buhay. Alam naman niya na noon ko pa gustong makarating sa Tate. At ang paraan para makapunta roon ay makapag-asawa ng Kano.

High school pa ako nang maka-penpal si Melvin at alam ito ni Jomar.

(Itutuloy)

Show comments