Sadik (ika-86 na labas)

(Kasaysayan ni Tony Z. ng Riyadh)

PUMASOK ako sa silid nina Sadik at Tina.

"Muskila."

"Ma zaleka?" tanong ko.

Nakita ko si Tina na tila may sakit. Namumutla.

"Anong nararamdaman mo Tina?" tanong ko.

"Masama ang pakiramdam ko, Tony…"

"Paanong masama?"

"Nasusuka ako."

Natigilan ako.

"Eto kasing si Sadik, agad na nagpanik at tinawag ka."

"Anoh ‘yon?" tanong ni Sadik kay Tina.

"Sabi ko nagpanik ka agad."

"Siguro’y nakikitang nahihirapan ka, Tina."

"Nasaan si Susan, Tony?"

"Nasa kuwarto. Tawagin ko?"

"Oo."

Mabilis akong lumabas ng kuwarto at tinawag si Susan. Iniwan ang aming anak na himbing na himbing sa pagtulog.

Nang makaharap ni Tina si Susan ay sinabi rito ang nararamdaman. Maya-maya ay biglang nagtawanan ang dalawang babae. Ako ay nagtaka at ganoon din naman si Sadik. Nakaupo si Sadik sa gilid ng kama.

"Anoh problemah?" tanong ni Sadik.

"Wala problema. Mafi muskila," sagot ni Susan.

"You’re feeling okey?"

"Okey na. No problem na."

Pagkaraan ay may binulong sa akin si Susan.

"Iyan din ang hula ko kanina, Susan."

"Tiyak na buntis na si Tina. Ganito rin ako noon nang magbuntis sa anak natin. Medyo mahirap ang pakiramdam."

"Kung ganoon ay dapat nang magsaya si Sadik."

"Dapat talaga."

Lumapit ako kay Sadik at kinamayan. Takang-taka si Sadik kung bakit ko siya kinakamayan. Sinabi ko ang dahilan. Magiging ama na siya. Sigurado.

Pagkasabi ko, ay agad na nagtatalon sa tuwa si Sadik. Parang batang may napulot na kendi at hindi malaman ang gagawin.

"Shokran! Shokran!" sabi nito at agad nilapitan ang asawa at hinalikan.

"Shokran, habibe!"

Wala namang kakilus-kilos si Tina pero masaya rin siya sapagkat mabibig-yan na niya ng anak si Sadik. Ang anak ang matagal nang pinapangarap ni Sadik noon pa. Hindi nga lamang nangyari sapagkat nagtaksil ang asawa. Inaabort ng taksil niyang asawa. (Itutuloy)

Show comments