BUKOD sa kinikita sa pagrarasyon ng gatas ng jamal (camel) at sa plantasyon ng dates meron din palang kinikita si Sadik sa taniman ng mga gulay at prutas. Hindi sinasabi ni Sadik na sa dakong eastern province ay mayroon pala siyang taniman ng spinach at pipino. Noong una ay hindi ako maniwala sa-pagkat paano mabubuhay ang spinach at pipino sa disyerto? Pero nang makarating kami sa lugar na iyon ay saka ako naniwala. Napaka-berde ng lugar na iyon sa dami ng nakatanim na spinach, pakwan at pipino. Ang mga gulay daw ay dinadala pa hanggang sa Dammam at Jubail.
Wala na raw problema ngayon sa pagta-tanim sa Saudi Arabia sapagkat mayroon nang sapat na tubig para sa mga halaman. Ikinuwento ni Sadik na ang tubig daw na galing sa dagat ay inaali- san na ng alat at ito ang ginagamit para patubigan ang mga halaman. Pinadadaloy daw ang tubig sa mga canal at kahit daw gaano pa kalawak ang taniman ay kayang patubigan. Irigasyon ang ibig niyang sabihin. Mula raw nang gawin iyon ng gobyerno ay dumami na ang mga magsasaka sa Saudi. Mas malaki raw ang kini- kita rito.
Hindi nagsisinungaling si Sadik sapagkat nakita ko kung gaano karami ang perang kinolekta niya mula sa aning gulay at prutas. Dahil hindi regular ang pagtungo sa tanimang iyon, naiipon ang pera sa kanyang katiwala roon. Isa ring Negro ang katiwala niya na ayon kay Sadik ay malayo niyang pinsan. Matapat daw ang kanyang pinsan at mapagkakatiwalaan.
Madaling magtiwala si Sadik. Iyon ang napansin ko sa kanya. Kakaiba nga siya sa mga Saudi na ang karamihan ay mga masasama ang ugali at malulupit sa katulong.
"Filibin very good!" sabi niya minsan sa akin. Mahuhusay daw ang mga Pinoy.
"Shokran Sadik," (Salamat)
Lagi niya akong pinupuri. At iyon ay lalo lamang nagdadagdag ng respeto sa kanya.
Minsan ay inutusan ako ni Sadik na bumili ng kabsa at shawarma sa Batha. Hindi ko akalain na sa pagtungo roon ay isang matandang lalaking Saudi ang hihingi sa akin ng tulong.
Simple lamang ang hinihinging tulong ng matanda, tulungan siyang makatawid sa kabilang kalsada. Marami kasing sasakyan sa lugar na iyon at kahit pa merong pedestrian lane ay natatakot na tumawid ang matanda. Negro ang matandang Saudi. Walang ibang may gustong tumulong sa matanda.
Itinigil ko ang sasakyan at agad na nilapitan ang matandang Saudi at inalalayan patawid. Nang maitawid ko ang matanda ay nagpasalamat ito. Mabilis kong tinungo ang sasakyan pero may dalawang pulis na galit na galit na tinawag ako. Muskila raw magparada ng sasakyan doon.
(Itutuloy)