"ANTONIO? Filibin?"
Tanong muli sa akin ng lalaking kaharap ko na isang Negro. Pero tiyak kong isa siyang Sau-di o Arabo dahil nakasuot siya ng sutana at may taling itim na nakapaikot sa ulo. Nakasaklob sa ulo niya ang isang telang puti. Lalo siyang naging maitim dahil maputing-maputi ang suot niya. Katamtaman ang pangangatawan niya at mataas lang marahil ng isang inches sa akin. Ako ay 55.
Hindi ko malaman kung ano ang isasagot sa Negrong Saudi. Alam kong Arabic ang salita niya. Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng Filibin na kanyang tinanong. Pero nagkaroon na rin ako ng pag-asa na ito nga ang taong susundo sa akin. Sabi sa akin ng agency na nagpaalis sa akin sa Maynila, may susundo raw sa akin sa King Khalid International Airport dito sa Riyadh kaya huwag akong aalis. Hintayin lamang daw ang sundo. Maaari raw nakasulat sa isang placard ang pangalan ko o sa cartolina para madaling makita. Pero wala nga akong nakitang pangalan ko sa placard kaya mali ang sabi ng agency. At ngayon ay lalo pang nadagdagan ang kalituhan ko sapagkat ang sumalubong sa akin ay isang Negro.
Tumango na lamang ako sa tanong ng Negro. Bahala na. Hindi naman siguro ako makukulong dahil lamang sa maling pagsagot sa tanong. At isa pa, bago lamang ako sa Riyadh kaya wala pa akong alam ni kapiranggot na Arabik. Kanina nga sa pila sa Immigration ay hindi ko maintindihan ang sinabi ng airport police nang itulak ako pabalik sa pila. Iyon pala ay para lamang pagbigyan ang mga babaing naka-abaya. Kanina ko napatunayan na ang mga babae ay hindi isinasama sa mga lalaki. Kaya halos ang mga nakapila ay pawang mga lalaki. Masyado ang paggalang ng mga Saudi sa mga babae kaya hindi nila hinahayaang pumila.
"Maji, Antonio! Come!"
Marunong naman palang mag-English pero halatang hindi sanay. Ang pagsasalita niya ay sumisigaw.
Sumunod ako sa Negrong Saudi. Bitbit ko ang aking maleta. Dinaanan namin ang mahabang conveyor. Mabilis maglakad si Negro. Paminsan-minsan ay lumilingon sa akin. Hanggang sa mapansin na nabibigatan yata ako sa aking dala.
"Antonio put your bag in the conveyor," sabi at itinuro ang conveyor.
Mabilis kong ginawa. Nang mailagay ko ay napatawa ang Negro at nakita ko ang maputi niyang mga ngipin. Mga ngipin lamang niya ang maputi. Kaagapay namin ang bag na nasa conveyor. Unti-unting umuusad. Iyon pala ang silbi ng conveyor na iyon para hindi mahirapan ang mga mabibigat na bagahe.
Ang dulo ng conveyor ay isa namang malaking escalator. Lumipat kami sa escalator. Patungo naman pala sa parking area sa basement ang escalator. Napakalawak na parking area iyon. Kakaunti ang mga sasakyan.
"Wait here Antonio," sabi ng Negro.
Naghintay ako. Nahulaan ko na kukunin niya ang sasakyang nakaparada.
Maya-maya lamang ay dumating na siya. Nadismaya ako sapagkat ang sasakyan pala ay isang lumang pickup.
"Maji! Come!"
Sumakay ako. Pero sa pagkakataong iyon ay marami akong tanong sa sarili. Ganito ba ang klase ng buhay ng amo ko? Mukhang mahirap pa kaysa sa akin. May sasakyan nga subalit parang kakarag-karag na. Hindi kaya nagkamali lamang ang ahensiyang nagpadala sa akin dito? (Itutuloy)