FAMILY driver ang inaplayan ko sa Riyadh. Iyon lamang ang trabahong maaari kong pasukan sa bansang ito sapagkat high school graduate lamang ako. Marami kaming aplikante pero ako ang tinanggap. Sa taimtim ko marahil na pagdarasal kaya ako ang napili ng agency.
Marami akong pinasukang trabaho sa Pinas operator sa isang pabrika ng medyas, taga-balot ng tsitsirya at checker. Pero hindi makasapat sa amin ng asawa kong si Donna. Kahit na kaming dalawa pa lamang ni Donna, hindi kasya ang suweldo ko. Kaya naghangad akong mag-aplay dito sa Saudi.
At pagkaraan nang may anim na buwan na pag-aa- play, narito na ako sa Riyadh.
Ganito pala rito. Tama ang mga naririnig ko sa mga ex-OFW na kasabay kong nag-apply mahigpit at mababagsik. Bihira raw makatiyempo ng mababait na amo sa Saudi. Karamihan daw ng mga mabubuting amo ay iyong mga nag-aral. Kung sa isang "bado" raw ako mapatapat ay kawawa ako. Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng "bado".
Nang makalabas ako sa Customs area ay ang hintayan naman ng mga sumasalubong ang kinahantungan ko. Sumasabay na lamang ako sa agos ng ibang Pinoy. Iisa ang pintong labasan patungo sa mga sundong naghihintay.
Nang makalabas ako sa pintong salamin ay nagulat ako sa maraming taong naghihintay. May mga nakaupo sa konkretong upuan at merong nakasalampak sa suwelo. Karamihan ay may mga hawak na placard o kapirasong papel na kinasusulatan ng pangalan ng susunduin.
Saglit akong tumigil at tiningnan kung ang aking pangalan ay nakasulat sa placard o sa papel. Wala. Lumakad pa ako patungo sa mga taong nakasalampak at baka naroon lamang ang aking sundo. Sabi kasi sa agency, huwag daw akong aalis sa lugar at maghintay. Tiyak daw na may darating na sundo.
Pero nakalipas na ang sampung minuto ay wala pa ring lumalapit sa akin. Kinakabahan na ako. Paano kung walang sumundo sa akin? Wala namang ibinigay na telepono sa akin ang agency.
Ipinasya kong suma-lampak sa suweldo. Hindi ko inaalis ang tingin sa mga taong may hawak na placard at papel na kinasusulatan ng pangalan. Wala talaga ang pangalan ko. Hindi kaya nalimutan akong sunduin?
Nakalipas pa ang 30 minuto. Napansin kong ang mga kasabay ko sa eroplanong Pinoy ay nasundo na lahat at ako na lamang ang Pinoy na naroon. Karamihan sa mga naroon ay pawang mga ibang lahi na.
Hanggang sa makita ko ang isang lalaki isang Negrong Saudi na papalapit sa akin. Pangit ang Negrong Saudi.
"Filibin?" tanong sa akin. Hindi ko alam ang kahulugan niyon. Nakatingin lamang ako.
"Antonio?"
Sa pagkasabi sa pangalan ko ay nabuhayan ako ng loob.
(Itutuloy)