Ebo at Adan (ika-86 na labas)

(Batay sa kasaysayan ni D.M.L.)

NAIINTINDIHAN ko ang nararamdaman ni Joan kaya siya naguguluhan. Para siyang ahas na kaibigan.

"Itigil na kaya natin ito Dan?" sabi niya.

"Ayoko!" matigas ang pagkakasabi ko.

"Naguguluhan na ako Dan. Walang kamalay-malay si Rina na akong kaibigang matalik niya ang aahas sa asawa niya..."

"Alam mo ba na halos hindi na ako kinakausap ni Rina?" sabi ko para malaman na ni Joan ang lahat nang nangyayari sa amin ni Rina.

"Kailan pa?"

"Mula noong magka-"ano" pa kayo. Para na nga niya akong ibinasura. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa kanya."

Hindi nagsalita si Joan. Nag-isip.

"Siguro nga’y malaki ang galit niya sa akin. Marami akong nagawang atraso sa kanya pero noon iyon. Hindi na ngayon..."

"Alam mo Dan, iniisip ko na umalis muna rito."

Gimbal ako.

"Ano bang iniisip mo, Joan?"

"Lalayo muna ako at kung maliwanag na ang lahat, saka na lamang ako babalik."

"Huwag, Joan, maawa ka naman sa akin."

Hindi sumagot. Hanggang sa mapansin kong may mga luhang gumulong sa kanyang mga mata. Naguguluhan nga si Joan. Hindi malaman ang gagawin. Mahal niya ako pero may hadlang – ang kaibigang si Rina.

Ilang araw ang nakalipas, hanggang isang umaga, dakong alas-nuwebe ay tumawag sa akin si Joan. Balisa ang boses.

"Umuwi ka agad Dan!"

"Bakit?"

"Si Rina, inatake! Kailangang madala sa ospital! Madali ka, Dan," sabing umiiyak ni Joan.

"Oo, Joan!"

Mabilis akong nagpaalam sa aking boss at mabilis na sumugod sa bahay.

Pinagtulungan naming buhatin si Rina patungo sa kotse at isinugod sa ospital. Habang nasa emergency room ay walang tigil sa pag-iyak si Joan.

Si Rina sa pakiramdam ko ay wala nang lakas. Hindi ko maintindihan ang nangyayari sa aking asawa. Kinakabahan ako.

(Itutuloy)

Show comments