"KUMAIN ka na?" tanong ko kay Joan makaraang maihanda ng maid ang pagkain sa mesa.
"Oo."
"Si Rina?"
"Okey na siya."
"Ang mga bata."
"Okey na rin."
"Salamat ha?"
Ngumiti lang. Pagkaraan ay nagtungo na sa salas para marahil ituloy ang ginagawang paglilinis sa kuko.
Habang kumakain ay si Joan ang nasa isip ko. Hindi pa rin ako makapaniwala na ganito kami kalapit sa isat isa. Nananaginip yata ako? Pero hindi. Totoo ito.
Nang matapos akong kumain ay ang maid na ang nagligpit niyon. Nang magtungo ako sa salas ay wala na si Joan. Siguro ay nasa silid namin kung saan ay naroon si Rina. Inaasikaso marahil si Rina. O baka natutulog na.
Binalak kong pumunta sa kuwarto namin para makita si Rina. Pero hindi ko na ginawa. Baka natutulog na siya at maistorbo. At malay ko kung ano ang ginagawa nila. Napabuntunghininga ako.
Ipinasya kong sa salas na lamang matulog. Ayaw ko sa guestroom kung saan ay kuwarto na iyon ni Joan. Komportable rin namang matulog sa sopa.
Kinabukasan, ay maaga akong nagising at naligo. Pero mas maaga pa palang nagising si Joan at ito ang nag-aasikaso ng almusal. Tinutulungan ang maid.
Pumasok ako sa aming kuwarto para magbihis. Tulog na tulog pa si Rina. Mahina pa rin ang katawan. Hindi ko na siya inabala sa pagtulog.
Nang lumabas ako sa kuwarto ay nakaabang na si Joan.
"Handa na ang almusal mo. Maaari ka nang kumain..."
"Sumabay ka na sa akin sa pagkain."
"Mamaya na. Sabay kami ni Rina."
Noon lamang ako nakakain nang maayos at magaan ang katawan na nakapasok sa opisina.
Kinahapunan ay maaga na naman akong umuwi. Kinasasabikan kong makita si Joan at ang mga pag-aasikaso niya sa akin. Hindi ko malaman ang nangyayari sa akin. Umiibig yata ako kay Joan, ha-ha-ha! (Itutuloy)