"ANONG ibig mong sabihin Ate Au?"
Pinigilan ni Inay si Ate Au pero hindi na ma- awat si Ate Au.
"Dapat mo nang ipagtapat ang mga nangyari sa iyo sa kamay ni Mr. Lee, Gracia."
"Anong nangyari Ate Au?" talagang gustong-gusto ko nang malaman ang lahat.
"Winalanghiya rin ni Mr. Lee ang inay mo Che. Pinangakuan din bago ginamit."
Hindi ako makapaniwala.
"Kaya yung sinasabi mong pera na ipinautang ng hayop na Intsik na iyon e kulang pa sa ginawa sa ina mo."
Hindi na makapagsalita si Inay. Hinayaan na lamang na magkuwento si Ate Au. Para bang tinanggap na ng sarili niya na wala talagang naitatagong lihim. Ang hindi ko malaman ay kung bakit kailangang ipaglihim ni Inay ang lahat gayong tanggap na naman namin ni Donna ang nangyari sa kanyang buhay. Wala naman kaming magagawa kung ganoon ang naging kapalaran niya.
"Natatakot kasi ang inay mo kaya nagsawalang-kibo na lamang. Kaya kahit na ginagamit nang ginagamit ng Intsik na iyon ay tango na lamang nang tango."
Naisip ko sa kabila ng katapangang ipinakita niya nang habulin ng saksak si Mang Angel hindi pala niya naipagtanggol ang sarili kay Mr. Lee kaya nagamit siya nang nagamit.
"Inaalala kasi nitong inay mo e kayong dalawa ni Donna. Kapag lumaban daw siya kay bossing tiyak na mawawalan siya ng trabaho. Paano raw kayo kakain at mapag-aaral."
Ako naman ang hindi nakapagsalita. Kami ni Donna ang inaalala niya. Ang kalagayan namin ang naisip niya at hindi ang kanyang sarili.
"Naratnan ko na ang inay mo sa Black Roses. Kaming dalawa ang naging magkaibigan doon. At kung hindi ko pa siya piniga e hindi niya sasabihin ang mga nangyari sa kanya. Sabi ko nga sa kanya, lumaban siya. Pero ako man pala ay malalawayan ng hayop na Intsik at pagkatapos ay ibabasura. Nakatatawa nga ang buhay namin sa Black Roses. Kaming mga babaing naroon ay pawang iisa ang nangyari sa buhay...."
Huminto si Ate Au sa pagsasalita. Nakita kong may luhang sumungaw. Si Inay naman ng lingunin ko ay nakatingin lang kay Ate Au.
"Mabuti ka Che at hindi nasira ng manyakis kung nagkataon, pare-parehas na tayo. Mabuti at habang maaga ay nahango ka roon..."
Hindi ako sumagot, pero sa isip ko, hindi naman talaga ako magtatagal sa trabahong iyon. Nagawa ko lamang pumasok doon dahil sa matinding pangangailangan para kay Inay. (Itutuloy)