"Kapag hindi pa bumaba ang lagnat ni Inay ngayong gabi, pupunta ako sa pinagsasayawan niyang club, Donna," sabi kong buo na ang desisyon.
"Alam mo ba kung nasaan ang club na iyon, Ate?"
"Madali nang ipagtanong iyon. Dati raw sinehan iyon na ginawa nang club."
"Sino ang hahanapin mo roon e ni minsan hindi nagkuwento si Inay ng tungkol doon. Ni ang pangalan nga ng club e hindi natin alam," sabi ni Donna na nakatingin sa akin.
"Madali na iyon."
"Sana naman ay may mautangan tayo, nakakaawa si Inay."
"Ako muna ang papasok sa school ngayon dahil me test ako. Bantayan mo muna si Inay ha?"
"Oo Ate. E, paano bukas?"
"Ako naman ang aabsent. Pagdating mo sa school saka ako pupunta sa Pureza para mangutang sa mga kasamahan ni Inay."
Habang nasa klase ako ay ang kalagayan ni Inay ang naiisip ko. Kung kailan ako ga-graduate at maraming pagbabayaran saka naman siya nagkasakit. Alanganin naman kung titigil ako dahil ilang buwan na lamang at graduation na. At paano kung malubha ang sakit ni Inay na kailangan namin ang malaking halaga ng pera. Parang ayaw magkasya sa utak ko ang mga isiping iyon.
Kinagabihan ay mataas pa rin ang lagnat ni Inay kaya talagang desidido na kami ni Donna na dalhin siya sa ospital kinabukasan. Hindi ko na uli pinapasok sa school si Donna sapagkat walang magbabantay kay Inay habang ako ay nasa Pureza para humingi ng tulong sa mga kasamahan ni Inay sa club.
Madali ko namang nakita ang club. Wala akong duda sapagkat mismong nasa Pureza St. Maliit lang pala. Kulay itim ang kulay ng club at hindi aakalaing may nagpapalabas doon nang malaswa kung gabi. Bahagyang nasa eskinita pero matatanaw ng mga daraan sa main road. Madaling mapapansin sapagkat nakasulat nang kulay itim ang pangalan ng club Black Roses. Ang background ay matingkad na pula.
Hindi ko alam kung saan ang entrance. Wala naman akong makitang tao na mapagtatanungan.