Darang sa Baga(212)

(Kasaysayan ni Nena ng Mandaluyong City)

ANG akala ni Ramon ay totoo ang nadarama kong kalungkutan sa pag-alis niya. Hindi niya alam natutuwa ako sapagkat magkakapiling na uli kami ni Sancho.

"Sumulat ka agad ha, Ramon," sabi ko.

"Oo."

Hinalikan ang dalawa naming anak bago umalis. Si Lani ay nakita kong nakatingin lamang. Parang may iniisip siyang malalim.

Hanggang sa mawala sa tingin ko si Ramon.

Wala pang isang oras na nakaaalis si Ramon ay dumating na si Sancho.

"Bakit pumarito ka agad e kung bumalik si Ramon?"

"Sabik na ako sa’yo Nena!"

Ano pa ang magagawa ko? Nagkulong kami sa kuwarto. Parang gutom na aso si Sancho na noon lamang nakatikim ng karne. At iyon naman ang gusto ko. Hindi ko naranasan ang ganoon kay Ramon.

Kinagabihan, nagyaya na si Sancho na mag-casino kami. Gutom na gutom din ang gago.

Malaki ang dala kong pera — iyon ay iniwan ni Ramon. Natalo kami sa casino. Nang hindi makabawi ay sa isang KTV bar kami humantong. Hinigpitan ko ang hawak sa aking bag at baka mawala na naman gaya noon. Pero kahit pala ganoon kahigpit ang hawak ko sa bag, nananakawan ako ni Sancho. Dinudukutan ako. Noon ko, naisip siya ang kumuha ng aking nawalang bag at ang laman niyon. Pero dahil sa matindi kong pagkahaling sa kanya ay hindi ko makompronta. Hinayaan ko na lang.

Matapos ay sa isang motel kami humantong. Nagpakalunod muli.

Madaling araw na kami umuwi.

Nagtaka ako kung bakit hindi sumasagot si Lani nang tawagin ko. Nang pumasok ako sa kuwarto ay wala ang dalawa kong anak. Nang mahimasmasan, saka ko napansing hubad na hubad ang aming bahay. Lahat ng gamit ay wala na.

(Tatapusin)

Show comments