DARANG SA BAGA(147)

NAGPUMILIT ang dalawa. Halos sumigaw na si Liza sa pagpapaliwanag sa ama na matibay na ebidensiya ang mga upos ng sigarilyong nakita sa guest room.

"Daddy ano pa ba ang gusto mong makita para ka maniwala na nanlalaki ang babaing ‘yan?" Itinuro ako. Prente naman akong nakasandal sa pader.

"W-wala a-akong t-tiwala s-sa I-inyo. S-sinisiraan n-n’yo l-lamang a-ang a-asawa k-ko."

"Daddy gumising ka sa katotohanan. Niloloko ka ng babaing iyan," sabi naman ni Jen at tinapunan ako ng matalim, na tingin. Umismid lamang ako.

"H-hindi a-ako n-naniniwala. S-sinungaling k-kayo."

"Daddy, pakinggan mo kami."

"A-alam n-nyo ba k-kung b-bakit m-may u-upos s-sa g-guest r-room? S-si N-nena ang n-naninigarilyo. I-inamin niya sa akin…"

"Huwag kang maniwala sa kanya Da-ddy. Nanlalalaki ang babaing ‘yan. Niloloko ka ng walanghiyang ‘yan."

"U-umalis na k-kayong d-dalawa. K-kayo a-ang p-papatay s-sa a-akin."

Walang nagawa ang dalawang bruha kundi ang umalis. Nanalo na naman ako. Ako ang mahal ni Fil. Gusto kong lumundag sa tuwa.

Mula noon ay hindi na nagpunta sa condo ang magkapatid. Lalo akong natuwa.

Pero masyado akong nagtiwala sa sarili. Ang akala ko wala nang katapusan ang pagtataksil ko kay Fil. Meron pala. Si Fil mismo ang nakahuli sa amin ni Carlo.(Itutuloy)

Show comments