Darang sa Baga (126)

(Kasaysayan ni Nena ng Mandaluyong City)
NANG mag-alas-siyete ng gabi ay hindi ako mapakali. Paano’y iyon ang oras ng dating ni Carlo. Magkatabi kami ni Fil sa higaan at nanonood ng TV.

"Ma-masakit p-pa ang t-tiyan mo?"

"Hindi na."

"K-kasi’y p-parang t-tense k-ka."

"May naaalala lang ako."

"T-tungkol s-saan?"

Mabilis akong nakapag-isip ng dahilan.

"Tungkol sa kapatid kong si Maricel."

"B-bakit a-ano t-ungkol sa kanya?"

"Di ba ang pangako mo e ipapasok mo siya ng trabaho sa kompanya n’yo…"

"O-oo nga. H-hindi k-ko naman na-nalilimutan ‘yon."

"Maaari mo pa siyang maipasok kahit na wala ka na roon? "O-oo. S-stock holder na-naman a-ako d-doon d-di b-ba?"

Sinabi na nga niya sa akin iyon noon.

"B-bukas t-tawag ako o-opisina. P-papuntahin m-mo roon si M-maricel…"

"Oo. Fil."

"M-maliit n-na p-problema ‘yan,"sabi pa.

Nang mag-alas siyete ay nakarinig ako nang mahihinang katok sa pinto. Si Carlo na marahil iyon. Nagpaalam ako kay Fil para lumabas.

Si Carlo nga. Hindi ko na pinapasok. Pinakiusapan kong bukas na lang ng gabi siya bumalik dahil delikado.

Umasim ang mukha ni Carlo.

(Itutuloy)

Show comments