HABANG tulog na tulog si Fil ay gising na gising naman kami ni Carlo. Lumalalim ang gabi at palalim pa nang palalim ang nangyayari sa aming dalawa.
Wala na ang pagtanggi ko. Wala na rin ang pangako ko kay Fil. Sa ganitong sitwasyon pala na ang dati mong mahal ang nag-aalok ng paraiso, mahirap nang matanggihan. Kahit na may tumututol sa kabilang bahagi ng aking utak, kayang supilin iyon ng kabila. Hindi kayang matanggihan. Hindi kayang balewalain ang sikad ng pagkasabik at pagkauhaw na rin.
At mas lalo pang nagkakaroon ng sidhi sa aking sarili kapag naalala na wala na talagang maipagkakaloob sa akin si Fil pagdating sa pangangailangan ng katawan. Dapat nang tanggapin iyon. Hindi na niya kaya ang dating ginagawa. At masakit isipin na magiging palamuti na lamang ang dati niyang ipinagyayabang. Ibong Adorno na lang iyon. Wala na! Wala na talaga!
Hindi katulad nang ipinagkaloob at ipagkakaloob pa ni Carlo sa akin. Maraming pera si Fil pero sa sitwasyong ganito na nagiging tagapag-alaga na lamang niya ako, wala palang kuwenta ang pera. Mas mahalaga rin pala na mayroon kang kasalo sa mga gabing tumutusok ang lamig sa katawan at naghahatid ng kakaibang lungkot.
At mas lalo ko pang nadarama ang kahalagahan ni Carlo ngayong pinagtutulungan ako ng mga anak ni Fil. Kung narito si Carlo sa tabi ko, mayroon akong kakampi laban kina Jen at Liza. Mayroon akong mahihingian ng tulong. At alam ko, hindi ako iiwan ni Carlo. Sa kabila ng mga ginagawa ko sa kanya, ako pa rin ang hinanap niya.
"Hindi ako sanay sa kama, Nena," sabi ni Carlo nang ibagsak ko ang aking katawan sa malambot na kama. Nasa guest room na kami. Mabango roon at malinis na malinis. Inaalagaan ko sa linis ang kuwartong iyon.
"Hanggang ngayon ba naman ay marami ka pa ring kinatatakutan, Carlo?"
"Alam mo naman ako di ba? Noon pa kilala mo na ako."
"Wala ka pa ring pangarap."
"Meron din. Pero gusto ko lagi kang kasama sa pangarap ko. Kaya hinanap kita nang hinanap. Hindi ako tumigil."
"Wow ang sarap!"
Kumilos ako para hatakin si Carlo. Ako na ang nagsimula para sa isang ritwal na hindi namin malilimutan kapwa.
"Wild ka na ha?" tanong ni Carlo.
"Ayaw mo?"
"Naninibago kasi ako. Noong una takot ka rin. Tapos ngayon, ikaw na ang naghahamon..."
"Wala na akong magawa kundi tanggapin ang kapalaran. Hindi pala ako makaiiwas. Kahit anong gawin, wala akong mapupuntahan. Sa iyo rin ako babagsak."
"Wala na kasing kakayahan ang boss mo."
Naibuwal ko si Carlo sa kama. At ang sumunod ay ang mainit na tagpo. (Itutuloy)