Pero kinalma ko ang sarili sa isiping iyon. Imposible malaman ni Fil na naroon si Carlo. Maski nag-uusap kami sa salas ni Carlo, hindi maririnig ni Fil sapagkat sarado ang pinto ng kuwarto at malakas ang tunog ng aircon.
"Matulog ka na Fil," sabi ko at kinumutan siya.
"H-hindi p-pa a-ako i-inaantok " sabi at unti-unting gumapang ang kamay niya patungo sa aking braso.
"Hindi ka dapat magpupuyat, Fil."
"H-hindi n-naman a-ako n-nagpupuyat."
"Kahapon anong oras ka natulog?"
"M-maaga p-pa."
"Maaga ba yung alas nuwebe? Dapat mga eight pa lang e tulog ka na."
"N-nagbabasa k-kasi a-ako n-ng n-newspaper."
"Huwag ka nang magbasa kapag matutulog okey?"
Tumango.
"Ikukuha kita ng fresh milk para madali kang makatulog."
"G-usto k-ko m-maligamgam na g-gatas "
"Ikukuha kita. Sandali lang."
Mabilis akong lumabas ng kuwarto.
Hinanap ko Carlo sa salas. Wala. Saan na naman kaya nagtungo ang taong iyon?
"Carlo!" Tawag ko. Walang sagot. Tumawag muli ako. Wala talaga.
Baka naman nasa kusina. Nang magtungo ako sa kusina ay naroon nga. Nakakubli sa likod ng refrigerator. Gusto kong matawa sa itsura niya na halatang tense. Siguroy nataranta nang marinig ang tawag ko.
"Tulog na?" tanong at lumabas sa kinakukublihan.
"Hindi pa. Mulat na mulat."
"Bat ka lumabas?"
"Ipagtitimpla ko ng gatas."
"Lagyan mo ng pampatulog "
Kumuha ako ng tasa at nilagyan ng mainit na tubig. Kinuha ko sa ref ang fresh milk at binuhusan ang tasa. Nilagyan ko ng katamtamang asukal at hinalo. Hinalo ko nang hinalo hanggang sa maging maligamgam.
"Dalhin ko muna sa kanya to " pagpapaalam ko kay Carlo.
"Bilisan mo naman ang pagpapatulog "
"Ano ba ang ginagawa ko?"
"Dito lang ako sa kusina hihintayin. Sabay tayong kakain ng pansit " sabing nakangiti.
Pumasok ako sa kuwarto.
Ibinangon ko si Fil at ipinahigop ang maligamgam na gatas.
Nang may bumagsak sa kusina. Tila platitong nabasag.
"A-ano y-yon?" tanong ni Fil.
(Itutuloy)