Darang sa Baga(69)

(Kasaysayan ni Nena ng Mandaluyong City)

"WALANGHIYA ka! Malandi! Kabit! Buksan mo ‘to!"

Iyon ang mga sinabi ni Jen habang walang tigil na kinakabog ang pinto ng condo unit. Halos manliit ako sa kanyang ginagawa. Para siyang babaing hindi nag-aral dahil sa ginagawa.

Sabi ni Fil tumawag ako sa guwardiya sa ibaba at ireport kung ano ang ginagawa ni Jen. Pero hindi ko magawa. Naunahan ako ng takot at parang nanigas ang mga binti ko sa nerbiyos.

"Buksan mo ‘to. Kabit ka lang ng daddy ko. Wala kang karapatang tumira rito!"

Patuloy na pagmumura ni Jen na lalo pang nagiging malakas ang boses. Kakahiya sa mga katabing unit.

Nanatili ako sa pagkakupo sa sopa at gusto ko nang takpan ang mga taynga ko para hindi na marinig ang mga pagmumura ni Jen. Hindi ko na kaya ang ginagawa niya.

"Ano ba? Kabit! Buksan mo ‘to. Gigibain ko ang pintong ito!"

Pero hindi ko ginawa. Nanatili ako sa pagkakaupo. Manhid na ako. Bahala na kung ano ang sabihin niya. Wala na akong pakialam.

"Makating babae. Pumatol ka sa daddy ko dahil sa pera. Makapal ang mukha!"

Manhid na ako. Wala nang epekto ang mga sinasabi niya.

Hanggang sa makarinig ako ng mga yabag at pag-uusap. May dumating na mga tao! Dahan-dahan akong kumilos para silipin ang mga dumating.

Dalawang guwardiya. Kinakausap si Jen. Natigil ang pagmumura. At maya-maya pa, nakita kong kasama na ng dalawang sekyu si Jen.

Saka lamang natahimik.

Gusto kong umiyak nang umiyak nang umiyak!

(Itutuloy)

Show comments