Darang sa Baga (62)

(Kasaysayan ni Nena ng Mandaluyong City)

WALA na ang anak ni Fil. Pero hindi pa rin ako lubos na nagtiwala. Bago ako tuluyang lumakad sa salas ay sinigurado ko muna. Malay ko kung anong gimik mayroon ang babaing iyon at gusto akong lansihin hanggang sa tuluyang mapaalis sa piling ng kanyang ama.

Wala talaga. Sinilip ko ang likod ng pinto. Wala. Sinilip ko ang loob ng aming kuwarto at baka nasa loob niyon. Wala rin. Tiningnan ko muli sa banyo. Wala talaga.

Nilapitan ko ang pinto at nakumpirma kong umalis siya sapagkat may bakas ng sapatos papalabas. Walang duda na umalis na nga ang matapang at mataray na anak ni Fil. Isinara ko ang pinto at nakahinga ako nang maluwag. Kung pupunta uli siya rito hindi ko na pagbubuksan ng pinto. Ayaw ko nang magkaharap kami.

Maagang dumating si Fil. Nang halikan niya ako sa pisngi ay bigla akong bumunghalit ng iyak. Malakas ang atungal ko.

"Anong nangyari?"

"Dumating ang anak mong bunso!" sabi kong kawawang-kawawa ang sarili.

"Si Jen?"

Jen pala pangalan ng matapang niyang anak.

"Anong ginawa rito?"

"Hinahanap ka."

"Bakit daw?"

"Hindi ko alam."

"Ano pang ginawa?
"Maraming sinabi sa akin. Ako raw pala ang "babae" mo. Pera mo lang daw ang gusto ko. Ipinangako mo raw na hindi ka hahanap ng ibang babae pero ngayon ay may ibinabahay na…" tumigil ako at huminga. Nagpatuloy pagkaraan ng ilang sandali. "Halatang galit na galit siya sa akin. Ganoon pa man, nagtimpi pa rin ako. Pinakitunguhan ko pa rin…"

"Ano pa?"

"Iniwan ko siya rito sa salas at ipinagpatuloy ko ang ginagawa. Narinig ko na binuksan niya nang napalakas ang TV. Halatang inaasar ako. Gusto akong lumaban. Pero hindi ko ginawa. Hinayaan ko lang. Pagkaraan niyon, ay bigla na lamang si-yang umalis. Biglang nawala rito sa salas…"

Napabuntonghininga si Fil. Maya-maya ay nakita kong tinungo ang telepono. May tatawagan. Baka si Jen. Natakot ako. Bakit ko ba sinabi agad lahat sa kanya. Baka lalo lamang lumubha ang lahat.

(Itutuloy)

Show comments