GANITONG buhay ang pangarap ko. Kakain, tutulog at magsa-shopping. Kung hindi si Fil ang pinili kong samahan, baka namumroblema pa rin ako sa pera. Pati pamasahe ay malaking problema sa akin. Ilang araw pa lamang nakakasuweldo ay wala na agad pera at maghahanap ng mauutangan. Kung kay Carlo ako sisiksik, walang mababago sa buhay ko. Mamamatay akong nakadilat dahil sa gutom.
Idinaan ako ni Fil sa isang malaking mall dakong ala-una ng hapon.
"Bumili ka ng damit, sapatos at kung ano ang wala ka," sabi sa akin ni Fil at iniabot ang ATM card.
"Anong oras mo ako dadaanan?" tanong ko.
"Eksaktong alas singko darating ako."
"Baka mainip ako, Fil."
"Gusto mo sumama sa akin sa office "
"Tange. Gusto mong maging katawa-tawa ako roon."
"E di sisibakin ko ang magtatawa sayo "
"Yabang!"
"Kumain ka o kaya ay manood ng sine."
"Baka may makakita sa akin ditong kasama ko sa opisina."
"E ano? Sabihin mo ang totoo na asawa ka na ng manager at wala siyang pakialam."
Tumangu-tango na lang ako.
"O kung gusto mo naman, sa inay mo muna ikaw tumambay."
"Mas ayaw ko roon. Sa mall na lang."
"Okey."
Umalis na si Fil.
Nagwithdraw ako ng pera. Bumili ako ng sapatos at damit at iba pang gamit. Nakaramdam ako ng gutom at kumain. Matagal pa bago mag-alas singko.
Noon ko naisipang tumawag sa tindahang malapit sa aming bahay. Doon ako madalas tumawag. Nakiusap ako sa may tindahan na pakitawag ang aking ina. Isang minuto lang marahil at si Inay na ang nasa linya.
"Kumusta Inay?"
"Problema."
"Anong problema?"
"Dumating si Carlo kahapon. Umiyak na parang bata "
(Itutuloy)