DOON natapos ang mahabang kuwento ni Pacita. Mas matindi ang nangyari sa kanya kaysa kay Mely. Si Mely ay ang DH na natulungan namin habang pinagtatangkaang gahasain ng among Kuwaiti sa hotel na tinutuluyan. Doon din sa hotel na iyon kami nakatira. Nalaman ko ang gagawing panggagahasa kay Mely nang masilip ko sa butas dakilang mamboboso ako noon. Pero kung hindi ako naging dakilang mamboboso, hindi ko malalaman ang nangyayari sa silid na kinaroroonan ni Mely at maililigtas sa pangre-rape ng among Kuwaiti. Dinala namin si Mely sa Philippine Embassy at dito nga sila nagkakilala ni Pacita. At nang ma-repatriate si Mely, ako na lang ang naiwang tumutulong kay Pacita. Bago umalis si Mely, nakiusap na tulungan ko si Pacita. Nangako ako.
Pero ang totoo ay naaawa ako kay Pacita kaya kahit na nga hindi sabihin ni Mely na tulungan ko ito, gagawin ko.
At lalo nga akong nakadama ng awa nang malaman ang buong-buong istorya ni Pacita. Nakaaawang babae. Tama nga yata ang sabi niya na ipinanganak siyang malas. Malas sa pagkakaoon ng ina, asawa at nang magpunta rito sa Saudi, minalas na ang mapasukang amo ay manyakis.
Hindi na ako nangiming magtanong kay Pacita ng mga personal na bagay na may kaugnayan sa pagpapagamit niya sa among si Ibrahim Al-Ghamdi. Bakit siya pumayag? Bakit niya tinanggap ang perang ibinibigay ng hayop na iyon?
"Wala na akong pamimilian, Pepe. Tumanggi man ako, wala ring mangyayari. Baka patayin pa ako "
"Sana ay nag-stowaway ka na lang "
"Madaling sabihin yan Pepe pero mahirap gawin."
"Nasaan ang mga perang ibinayad sa iyo ng hayop mong amo?" tanong ko.
"Nasa bahay ng amo ko. Pero wala na akong balak pang kunin iyon "
"Bakit?"
"Para ano pa? Ang gusto ko ay makauwi na at makapagpahinga sa atin "
"Wala ka nang balak maghabol sa mga nangrape sa iyo?"
"Sa akala mo ba may mangyayari?"
Napatangu-tango ako. Maaaring tama si Pacita.
"Gusto ko nang makauwi Pepe. Tulungan mo ako. Para mo nang awa "
Awang-awa ako kay Pacita.
(Itutuloy)